Black Pearl (81)

HABANG naglalakad pa­palapit sa munisipyo ay na­isip kong hindi dapat sa malapit kina Fernando ako kumuha ng kuwartong ma­uupahan. Delikadong ma­kita niya ako o ni Melissa. Sa halip, gumawi ako sa may palengke. Nasabi sa akin ni Fernando noon na maraming kuwartong pina­­uu­pahan sa may paligid ng palengke. Kahit daw pang-ilang araw lang ay puma­payag ang mga nag­pa­paupa. Basta tulog lang at ligo sa kuwarto. Mura lang daw ang upahan. Wala rin daw dapat ipag-alala sa mga may-ari ng paupa­hang kuwarto dahil mababait ang mga taga-Pinamala­yan.

Pero napagod na ako sa paglalakad sa paligid ng palengke ay wala akong nakitang bakante. Paano’y malapit na pala ang pista sa Pinamalayan kaya oku­pa­do ang mga paupahan. Mainit na ang tama ng araw sa balat ko. Nauu­haw na ako. Bumili muna ako ng mine­ral water sa isang tin­ dahan. Doon na rin ako nag­tanong kung saan may ma­a­a­ring maupahang kuwarto.

“Wala na po rito ay, dun po sa may Malvar ka mag­tanong,” sabi ng babaing mabagsik ang punto.

“Malayo pa ba rito ang Malvar?”

“Malapit na. Doon sa pag­lampas mandin ng banko,” sabi pang mas mabagsik ang punto.

“Sige po, Salamat.”

Naglakad ako patungo sa tinurong Malvar. Nakita ko. Malapit daw sa banko. Nilampasan ko ang banko. Isang matandang lalaki ang nakita kong nakaupo sa may mangga. Puro puti ang buhok.

“Magandang tanghali po, Manong.”

“Magandang tanghali naman.”

“Naghahanap po ako ng mauupahang kuwarto. Dito po ako itinuro.”

“Ah, oo meron dito. Mga ilang araw ka baga titira?”

“Mga isang linggo po siguro.”

“O sige puwede. Kasi’y darating kasi ang mga anak ko. Sige pasok ka rito.”

“Ako po si Frank. Ikaw po si…”

“Mang Nado.”

“Mabuti po at ikaw ang nakita ko Mang Nado. Wala na akong makitang mau-pa­han sa may palengke. Punu­an na raw.”

“Kasi ay mapista rito.”

“Sabi nga po.”

Malaki ang bahay nina Mang Nado. Pagpasok na­min ay nakita ko ang isang matandang babae.

“Siya ang asawa ko, si Encar.”

Ngumiti sa akin ang ma­tandang babae.

“Uupa. Isang linggo raw dito,” sabi ni Mang Nado kay Aling Encar.

Tumango lamang ang matandang babae. Sina­mahan na ako ni Mang Nado sa kuwarto. Nasa dakong loob. Binuksan ang pinto. Malaki pala. Kulay puti ang pintura ng kuwar­to. May spring bed at electric fan doon.

“Nandiyan sa kabinet ang kumot at unan. Ikaw na ang magsapin.”

“Magkano po Mang Nado?”

“Bahala ka na.”

Inabutan ko ng P1,000.

“Ang laki nito!” sabing nakangiti.

“Okey lang po. Dadag­dagan ko na lang pag- aalis na ako.”

Nakatulog ako nang mahimbing. Pagod kasi ako. Paggising ko, madilim na. Hindi ko inaasahan na ipinaghanda pa ako ng mag-asawa ng pagkain. Si­nigang na sariwang maya-maya. Ang sarap ng hapunan ko.

Bukod doon, may nala­man pa ako kay Mang Nado tungkol kay Fernan­do. Kilala pala niya ito.

(Itutuloy)

Show comments