Black Pearl (81)
HABANG naglalakad papalapit sa munisipyo ay naisip kong hindi dapat sa malapit kina Fernando ako kumuha ng kuwartong mauupahan. Delikadong makita niya ako o ni Melissa. Sa halip, gumawi ako sa may palengke. Nasabi sa akin ni Fernando noon na maraming kuwartong pinauupahan sa may paligid ng palengke. Kahit daw pang-ilang araw lang ay pumapayag ang mga nagpapaupa. Basta tulog lang at ligo sa kuwarto. Mura lang daw ang upahan. Wala rin daw dapat ipag-alala sa mga may-ari ng paupahang kuwarto dahil mababait ang mga taga-Pinamalayan.
Pero napagod na ako sa paglalakad sa paligid ng palengke ay wala akong nakitang bakante. Paano’y malapit na pala ang pista sa Pinamalayan kaya okupado ang mga paupahan. Mainit na ang tama ng araw sa balat ko. Nauuhaw na ako. Bumili muna ako ng mineral water sa isang tin dahan. Doon na rin ako nagtanong kung saan may maaaring maupahang kuwarto.
“Wala na po rito ay, dun po sa may Malvar ka magtanong,” sabi ng babaing mabagsik ang punto.
“Malayo pa ba rito ang Malvar?”
“Malapit na. Doon sa paglampas mandin ng banko,” sabi pang mas mabagsik ang punto.
“Sige po, Salamat.”
Naglakad ako patungo sa tinurong Malvar. Nakita ko. Malapit daw sa banko. Nilampasan ko ang banko. Isang matandang lalaki ang nakita kong nakaupo sa may mangga. Puro puti ang buhok.
“Magandang tanghali po, Manong.”
“Magandang tanghali naman.”
“Naghahanap po ako ng mauupahang kuwarto. Dito po ako itinuro.”
“Ah, oo meron dito. Mga ilang araw ka baga titira?”
“Mga isang linggo po siguro.”
“O sige puwede. Kasi’y darating kasi ang mga anak ko. Sige pasok ka rito.”
“Ako po si Frank. Ikaw po si…”
“Mang Nado.”
“Mabuti po at ikaw ang nakita ko Mang Nado. Wala na akong makitang mau-pahan sa may palengke. Punuan na raw.”
“Kasi ay mapista rito.”
“Sabi nga po.”
Malaki ang bahay nina Mang Nado. Pagpasok namin ay nakita ko ang isang matandang babae.
“Siya ang asawa ko, si Encar.”
Ngumiti sa akin ang matandang babae.
“Uupa. Isang linggo raw dito,” sabi ni Mang Nado kay Aling Encar.
Tumango lamang ang matandang babae. Sinamahan na ako ni Mang Nado sa kuwarto. Nasa dakong loob. Binuksan ang pinto. Malaki pala. Kulay puti ang pintura ng kuwarto. May spring bed at electric fan doon.
“Nandiyan sa kabinet ang kumot at unan. Ikaw na ang magsapin.”
“Magkano po Mang Nado?”
“Bahala ka na.”
Inabutan ko ng P1,000.
“Ang laki nito!” sabing nakangiti.
“Okey lang po. Dadagdagan ko na lang pag- aalis na ako.”
Nakatulog ako nang mahimbing. Pagod kasi ako. Paggising ko, madilim na. Hindi ko inaasahan na ipinaghanda pa ako ng mag-asawa ng pagkain. Sinigang na sariwang maya-maya. Ang sarap ng hapunan ko.
Bukod doon, may nalaman pa ako kay Mang Nado tungkol kay Fernando. Kilala pala niya ito.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending