SI Melissa ba iyon o kamukha lang? Maraming kamukha si Melissa. Ilang saglit akong natigilan. Nag-isip. Nagkuwenta sa isip. Mahigit nang isang taon mula nang may mangyari sa amin ni Melissa. Parang kailan lang ang lahat. Kung si Melissa nga ‘yun, baka ang akay niyang dalawang bata ay anak ko. Ha-ha-ha! Ang galing ko namang mag-imagine. Ni hindi ko nga sigurado kong si Melissa nga ang babae ay kung saan-saan na lumipad ang imahinasyon. Ano ka ba Frankie Boy? Bakit tila gusto mo pang balikan ang nakaraan? Sigaw ng konsensiya ko.
Ganoon man, nang makabawi ako sa pagmumuni-muni ay saka ko naisipang sundan ang mag-iina na ang kutob ko ay si Melissa. Pero ang pagmumuni-muni ko kanina ang nakasaga-bal sapagkat mabilis na nawala ang nakita kong ba-bae.
Hinahanap ko sa kapal ng mga tao na naglalakad sa mall. Wala. Nakarating ako hanggang sa may pintuan palabas ng mall pero wala akong nakitang mag-ina. Ang bilis namang nawala. Baka naman pumasok sa comfort room. O baka meron pang pinuntahang iba. Naghintay pa ako ng ilang saglit sa may pintu- ang palabas. Pero wala na talaga.
Ipinasya kong umuwi na.
Habang nakasakay sa bus pauwi, ang babaing nakita sa mall ang iniisip ko. Si Melissa nga kaya iyon at ang akay niyang dalawang batang babae ay anak ko? Posible. Ilang beses kaming nagtalik ni Melissa at baka naasembolan ko siya. Hindi na naman maaaring makabuntis si Fernando dahil apektado ng kanyang sakit ang pagkalalaki. Wala nang ikakaya.
Pero kung si Melissa nga ang babae, bakit sila lang ang nasa mall. Nasaan si Fernando? Muli ay gumiling ang aking imahinasyon. Hindi kaya patay na si Fernando at dito na sa Maynila naninirahan sina Melissa. Kasi’y bakit dito pa sa Maynila dadayo ng pagsa-shopping si Melissa gayung sa Calapan City sa Mindoro ay may malaking department store. Maski sa Batangas ay maaari ring mag-shopping si Melissa. O baka naman, hiniwalayan na ni Melissa si Fernando? Natatandaan ko, sabi ni Melissa kapag hindi na siya nakatagal ay aalis siya o magpapakamatay siya.
Makalipas ang isang linggo ay nagbalik ako sa mall na kinakitaan sa babae na kamukha ni Melissa. Baka matiyempuhan ko. Malay ko kung ganoong araw ang pamamasyal nila ng mga anak sa mall. Kapag nakita ko muli sila, susundan ko na para makatiyak. Hindi ko na hihiwalayan kahit saan magpunta.
Alas-diyes ng umaga ako nagtungo sa mall. Sa lugar na kinakitaan sa babae ako naghintay.
(Itutuloy)