Black Pearl (57)
ITIM na t-shirt ang suot ng babae at itim din ang jeans. Nagluluksa yata. Lalong lumutang ang kaputian. Hanggang balikat ang kanyang buhok. Mga 5’1’’ marahil ang height ng babae.
Ilang ulit kong inalala kung saan siya nakita at kung ano ang pangalan pero wala akong maalala. Isip pa uli. Wala talaga. Blanko ang isip ko sa babaing ito,
Nasundan ko ang pagtayo ng babae para pumunta sa teller. Number na pala niya ang tinawag. Habang nakatalikod ang babae, saka ko biglang naisip kung saan nakilala ang babae – sa Riyadh! Isang nurse sa government hospital. Nakilala ko siya noong sumama ako sa hospital sa dati kong kasamahan sa trabaho. Me kinuhang padala sa babaing ito.
Nang matapos ang babae sa transaction sa teller ay umalis na. Mabilis kong hinabol. Inabot ko sa may pinto.
“Mam, excuse me.”
Lumingon sa akin. Napakunot ang noo. Tila ba inaalala kung saan din ako nakita, Pero mas madali siyang nakaalala. Natandaan agad ako.
“Frank? Ikaw si Frank ano?”
“Oo. Kanina pa kita pinagmamasdan pero talagang hindi ko maalala ang name. Basta ang alam ko, sa Riyadh tayo nagkakilala. Sorry pero talagang hindi ko matandaan ang name mo.”
“Ay ang daling nalimutan ang ganda ko. Ako si Rina,”
“Ay oo! Si Rina ka nga. Kumusta?”
“Eto nag-iisa na.”
“Anong nag-iisa na.”
“Biyuda.”
“Kaya pala naka-overall black ka.”
“Oo.”
“Wala pang isang taon.”
“’Kala ko dalaga ka pa. Nung magkita tayo noon, dalaga ka pa?”
“Oo yata. Ah oo.”
“So anong nangyari?”
“Sa Riyadh namatay ang husband ko. Nasagasaan ng Saudi,”
Napailing-iling ako.
Napansin ko na number ko na ang tinatawag, Nagpaalam ako kay Rina para makipag-transact sa teller.
“Sige lang Frank, hintayin kita rito, Marami pa akong ikukuwento sa’yo.”
Mabilis akong nagtungo sa teller. (Itutuloy)
- Latest
- Trending