“PERO kahit na patuloy sa paglilingkod sa akin si Melissa, hindi pa rin naman nawawala sa akin ang pangamba na baka isang araw e torototin na naman ako. Kasi’y ma aaring “katihin” lalo na kapag sobra na ang nadaramang kaelyahan. Bata pa kasi siya. Kaya hindi pa rin ako lubos na nagtitiwala kahit na sobrang hirap ng ginagawa sa akin.
“Hanggang sa lumipas ang ilang taon at wala naman akong napansin na sinusumpong ng “ka elyahan” ang “itim na perlas”. Patuloy ang buhay namin minus na ang pagsisiping dahil wala namang ibubuga si “Bitoy”. At kung sakali man at magkaroon ng lakas si “Bitoy” baka hindi ko rin galawin dahil nadidiri ako. Ewan ko. Basta ganoon ang nasa isip ko.
“Ilang beses pa niyang tinanong kung napatawad ko na siya. Umiling ako. Okey lang daw. Ang sa kanya raw naman ay nagtatanong lang. Kung hindi niya ako mapatawad, wala raw siyang magagawa.
“Pero maigagawad ko pala ang todong pagpapatawad sa kanya dahil sa isang pangyayari. Kapag pala nakagawa naman sa iyo ng isang napakalaking bagay na buhay ang nakasalalay, malilimutan na ang mga pagkakasala. Iniligtas ako ni Melissa sa isang tiyak na kamatayan.
“Meron akong ipinagawang bahay na gawa sa kawayan at pawid sa lupang malapit sa aking taniman. Kapag inaabot kami ng gabi ay doon na kami natutulog ni Melissa. Nang gabing iyon ay kaming dalawa lamang ni Melissa ang nasa kubo. Yung matandang drayber ay nagpaalam sa akin na uuwi ng bayan dahil may sakit ang asawa. Babalik na lang daw siya nang maagang-maaga.
“Hatinggabi nang magising kami ni Melissa na nasusunog ang aming bahay. Ang laki ng sunog. Palibhasa’y pawid at kawayan kaya madaling lumaki. Sa kusina nagsimula ang sunog at unti-unting kumalat sa kuwartong aming tinutulugan.
“Si Melissa ang unang nakaramdam ng sunog. Nagising ako sa malakas na yugyog. Ang init! Para na kaming nililitson sa lakas ng apoy. Nakikita ko na nasa panganib na talaga kami. Masusunog kami nang buhay.
“Saka nakita kong mabilis na nahatak ni Melissa ang wheelchair sa aking paanan at agad akong inalalayan para maisakay doon. Napakainit ng wheelchair nang aking upuan. Parang malalapnos ang puwet ko. Itinulak ni Melissa pero problema kung saan kami dadaan dahil nilalamon na ng apoy ang pinto ng aming kuwarto. Parang gusto ko nang bumigay sa pagkakataong iyon.”
(Itutuloy)