Black Pearl (35)
PATULOY na nagsalita si Fernando tungkol kay Melissa. Parami nang parami ang ikinukuwento niya. Hindi pa kami umiinom pero emosyonal na siya at paano pa kung may karga na.
“Naikuwento ko na ba sa’yo kung paano kami nagkakilala ni Melissa?” tanong sa akin.
“Hindi pa.”
“Nakilala ko ‘yan noong bagong dating ako galing Saudi. Nakasabay ko sa barko sa Batangas. Siyempre, matikas na matikas pa ako noon, mayabang pa. May mataba akong kuwin-tas. Nakipagkilala ako. Estudyante siya noon sa isang unibersidad.”
Napatangu-tango ako.
“Mula Batangas hanggang Calapan ay magkausap kami. Tinanong ko kung may boyfriend siya. Meron daw. Kaklase niya. Agad kong biniro kung tumatanggap pa siya ng aplikante kahit na me siyota na. Nagtawa lang. Dineretsa ko na siya. Sabi ko pupuntahan ko siya sa bahay nila. Itinanong ko ang bahay nila kung saan. Sinabi naman.”
“Pinuntahan mo naman.”
“Oo. Sa Lumangbayan ang kanila. Hindi siya makapaniwala nang bigla akong dumating sa kanila. Pati yung nanay niya, gulat na gulat.”
“Anong sabi ni Melissa?”
“E di tinanggap ako. Me pasalubong ako sa nanay niya – kuwintas na Saudi gold. Nakita ko nanlaki ang mga mata.”
“Ang tatay ni Melissa nasaan?”
“Nasa barko — seaman. Cook daw. Tatlo silang magkakapatid na parehong babae.”
“Anong nangyari sa panliligaw mo?”
“Siyempre mabilis ako. Parang hindi mo ako kilala. Kahit na malaki ang agwat ng edad ko kay Melis-sa, hindi iyon sagabal. Si Fernando pa!”
Tumigil sa pagkukuwento si Fernando nang lumapit si Melissa. Me dala ito.
“Anong pinagkukuwentuhan n’yo?”
“Ikinu-kuwento ko kung paano tayo nagkakilala, ‘Ma.”
“Ay kakahiya kay Frank. Wag mo nang ikuwento. Mabibisto pa.”
“Naikuwento ko na ang unang bahagi.”
Umirap si Melissa. Parang may gustong itago sa buhay niya.
“’Wag mo nang ikuwento!” (Itutuloy)
- Latest
- Trending