HINDI akalain ni Ate Lina na ganoon ang kahihinatnan ng lahat. Hindi niya akalain na ang isang matayog at matapang na si Cynthia ay tatapusin ang sariling buhay. Hindi niya nakita kay Cynthia ang ganoong kahinaan noong panahon na sinira nito ang magandang relasyon nila ni Joshua. Matapang na babae pero nagpakamatay. Napailing-iling si Ate Lina. Hindi ganito ang kanyang inaasahan.
Nang magising si Raffy, ikinuwento niya ang nangyari kay Cynthia. Nasa mukha ni Raffy ang pagkabigla. Parang biglang nanghina. Napaupong bigla sa sopa. Umiling-iling. Saka nakita niyang nag-unahan sa pagtulo ang luha sa pisngi. Nakokonsensiya yata sa nangyari. Nagpakamatay si Cynthia dahil sa matinding kahihiyan nang hindi niya sipu-tin sa araw ng kasal. Iyon ang narinig niya sa balita sa TV.
Iisa ang ibig sabihin ng pagluha ni Raffy, mahal pa rin nito si Cynthia. Kahit na nabuyo nang husto kay Ate Lina, nasa puso pa rin nito ang pagmamahal kay Cynthia.
Sabi ni Ate Lina, ang pangyayaring iyon ang naging dahilan kung bakit naghiwalay sila ng landas ni Raffy. Hindi niya alam pero nasumpungan na lamang nilang dalawa na magkanya-kanya na. Pero bago sila naghiwalay, nagawang ipagtapat ni Ate Lina ang “lihim” ukol sa kanila ni Cynthia. Sinabi niyang paghihiganti talaga ang motibo niya kaya nagawang paibigin si Raffy. Ginamit lamang niya ito.
Naunawaan naman siya ni Raffy.
Iyon daw ang huling pag-uusap nila ni Raffy. Mula raw noon wala na siyang balita ukol dito.
Hanggang sa isang araw ay isang lalaki ang nakitang lumulutang sa Ilog. Hinala ng pulis ay pinatay at saka tinapon sa ilog. Nabuo ang suspetsang paghihiganti ang dahilan kaya pinatay ang lalaki. Ang lalaki ay walang iba kundi si Raffy.
Nabuo ang hinala kay Ate Lina, na ibinayad ng mga kapatid ni Cynthia ang pagpatay kay Raffy. Ginawa para makaganti sa ginawang pang-aapi ni Raffy sa kanilang kapatid.
Doon natapos ang kuwento ni Ate Lina.
“Di ba journalism ang kinukuha mo?” tanong niya sa akin.
Tumango ako.
“Isulat mo ako ha?”
Tumango ako.
(Itutuloy)