Laman (57)
MALIIT pala talaga ang mundo. Napatunayan iyon ni Ate Lina nang madiskubre niyang ang CYNTH na tumatawag kay Raffy ay ang CYNTH na umapi at sumira sa kanilang pagmamahalan ni Josh. Akalain ba niyang nobya pala ni Raffy ang CYNTH na iyon. Hindi siya makapaniwala sapagkat ang matagal na niyang hinahanap na babae para mapaghigantihan ay eto’t may relasyon sa lalaking nakilala niya at nagkakainteres sa kanya.
Nadiskubre iyon ni Ate Lina nang minsang pakialaman niya ang cell phone ni Raffy. Hinalungkat niya. Nakita niya ang number ng CYNTH at kinopya niya. Bakasakaling iyon nga ang babaing kinamumuhian niya. Pati landline ng CYNTH ay kinuha rin niya.
Isang araw, naisipan niyang tawagan ang numero ng CYNTH na kinuha niya kay Raffy. Sa pay phone ng pinagtatrabahuhang mall siya tumawag para safe. At positibo ang kanyang pagtawag sapagkat iyon nga ang CYNTH na matagal na niyang hinahanap.
“Hello!” sabi ni CYNTH sa kabilang linya. Hindi raw maaaring magkamali si Ate Lina sa boses ng babaing sumagot sa kanya. Hindi niya maaaring makalimu- tan ang boses ng babaing walanghiya. Nakatatak na sa isipan niya ang boses ng babaing iyon.
“Hello! Buwisit!” sabi pa ni Cynth na halatang inis dahil walang sumasagot sa kabilang linya. Ibinagsak ni Cynth ang telepono. Wala naman talagang balak sumagot si Ate Lina. Gusto lang niyang siguruhin na si CYNTH nga ang siyota ni Raffy.
Napangiti si Ate Lina sa pangyayaring iyon. Kusang dumating ang pagkaka- taon para magkrus ang landas nila ni Cynthia. At ang naging tulay pa para sila magkita ay isang lalaki sa katauhan ni Raffy.
Iningatan naman ni Ate Lina na may malaman si Raffy tungkol sa kanyang natuklasan kay Cynthia. Kapag may nalaman ito, tiyak na sira ang naiisip niyang plano.
Hinayaan na lamang ni Ate Lina ang patuloy na pagdiskarte sa kanya ng playboy na si Raffy. Tatakawin niya nang todo si Raffy. Alam na alam na niya ang gagawin sa lalaking “namamangka sa dalawang ilog”. Sisiguruhin niyang siya ang mananalo kay Raffy at hindi si Cynthia.
“Talaga bang wala kang siyota, Lina?” tanong minsan sa kanya ni Raffy habang kumakain sila sa isang seafood restaurant sa Greenhills.
“Wala.”
“Kasi’y ang gandaganda mo. Imposibleng hindi ka pa nagkakasiyota.”
“Ang kulit mo talaga Raffy, naiinis na ako sa’yo.”
“E di puwedeng tayo na ang magsiyota?” tanong ni Raffy.
“Kung wala kang siyota. Hindi naman ako na-niniwalang wala kang siyota, Raffy?”
“Puwede ko namang iwan ang siyota ko…”
Napangiti nang lihim si Ate Lina.
“Kaya mo?”
“Oo.” (Itutuloy)
- Latest
- Trending