“HINDI na umaalis dito si Cynth. Nasa probinsiya yata ang mommy ni Josh,” sabi ng nurse na Lyra.
“Kung pumunta kaya ako riyan, Lyra,”
“Delikado, Lina. Ako ang malilintikan sa superbisor namin, Lina. Baka masibak ako kapag nagpapasok ng ibang tao. Mahigpit ang bilin.”
Naghimutok daw si Ate Lina. Hindi malaman ang gagawin,
“Huwag kang mag-alala Lina at kapag nakita kong umalis si Cynth, timbrehan kita.”
“Salamat, Lyra.”
“Pinsan nga ba talaga ni Josh ang Cynth na iyon? Ba’t ang tingin ko e mahigit pa sa pinsan,?”
Ikinuwento raw ni Ate Lina kay Lyra ang tungko kay Cynth.
“Kaya pala ganoon. E halos sa kama na siya ni Josh matulog gayung meron na mang sopa sa ibaba para sa watcher.”
Hindi na raw nakapagsalita si Ate Lina pero masama ang loob, Para raw nginangatngat ang puso sa labis na selos at sa pagkainis sa malanding si Cynth.
“Sige Lina at akong bahala. Kakampi mo ako.”
“Salamat Lyra.”
Naikondisyon na raw ni Ate Lina ang sarili sa ano pa mang mangyayari. Tanggap na niya sa kalooban na darating ang oras at iiwanan siya ni Josh. Mahirap tanggapin pero sa nakikita niyang kalagayan ni Josh, hindi na talaga ito magtatagal. Ang labis nga lang nakapagpapasakit, hindi magawa ni Ate Lina na makapiling ang lalaking minamahal na sandali na lang ang ilalagi sa mundo. Kung makakapiling sana niya si Joshua, magkakaroon ng kapanatagan ang isipan niya. Pero sa mga nangyayari, tila wala na ngang pagkakataon pa na magkasama sila kahit minsan lang. Dasal niya ay kahit minsan lang. Kung maaari nga lang, gusto niyang magpabuntis kay Josh para may maiwan sa kanyang ala-ala. Hindi na niya iintindihin pa ang sasabihin ng ibang tao. Wala na siyang pakialam.
Lalo namang tumitindi ang kanyang pagkasuklam kay Cynth. Sobra ang ginawa ng babaing iyon sa kanila ni Josh. Dahil sa pagkuha ng picture sa kanila at pagpapakita nito sa mommy ni Josh kaya nagulo ang kanilang buhay. Si Cynth ang ugat ng lahat. Nagpadala naman sa sulsol ang mommy ni Josh.
Nabuhay ang pag-asa ni Ate Lina nang isang umaga ay tumawag si Lyra.
“Pumunta ka rito, umalis ang malanding si Cynth! Ngayon na Lina!”
Sagsag sa pagtungo sa ospital si Ate Lina.
(Itutuloy)