Nagmamadali raw sa paglabas si Ate Lina sa compound nina Joshua. Tuluyan na siyang napaiyak. Masyadong masakit ang natanggap niyang pananalita mula sa mommy ni Joshua. Meron pa palang ganitong klase ng ina harap-harapan kung laitin ang minamahal ng anak. Meron pa palang ina na hindi na iginalang ang damdamin ng anak at walang pakialam kahit nasasaktan ang anak. Akala niya sa TV lang may ganitong istorya, totoo pala.
Palabas na sa gate si Ate Lina nang marinig niya ang pagsigaw ni Joshua, Tinatawag siya nito. Pero patuloy sa paglabas si Ate Lina. Hanggang sa makarinig daw siya ng pagkalabog sa may gate. Nilingon daw niya. Bumagsak si Joshua. Maputlang-maputla. Nahilo yata.
Mabilis na nagpasya si Ate Lina. Bumalik daw si Ate Lina para daluhan ang bumagsak na si Joshua. Subalit mas mabilis daw ang mommy nito na nasa likuran pala ni Joshua at mabilis na nakabig ang gate. Bumalibag ang gate. Saka narinig niya ang paglalalagay ng kandado. Sinigurong hindi siya makapapasok.
“Joshua! Joshuaaa!”
Nasa tinig ni Ate Lina ang takot sapagkat hindi niya alam kung buhay pa o patay na si Joshua sapagkat bumagsak nga ito sa semento. Pakiramdam niya malakas ang pagkakabagsak.
“Joshuaa!”
Kinabog ni Ate Lina ang gate pero naubos lamang ang lakas niya ay walang nagbukas o sumagot man lamang sa kabila. (Itutuloy)