HINDI ko alam kung matagal nang nakamulat si Michelle. Nakaidlip ako habang nakaupo sa silya na nasa tabi ng kama niya. Maikli lamang ang pagkakaidlip ko pero pakiramdam ko ay napakahaba na niyon. At hindi ko nga alam kung gaano na katagal gising si Michelle at nakatingin sa akin.
“Michelle!”
Nanatili siyang nakatingin sa akin. Para bang may inaalala. Nakalimutan na kaya ako ni Michelle dahil sa nangyaring stroke? Hindi na yata ako matandaan.
“Michelle, kumusta?”
Walang salita. Hindi maibuka ang bibig at nakatingin lang. Diyos ko, ano itong nangyari sa mahal ko.
Kahit magalit siya, gusto kong madama ang init ng kanyang palad. Ginagap ko ang kanyang palad na natatakpan ng kumot. Pinisil ko iyon. Nagpapaabot ng pagmamahal at pagkalinga.
“Michelle, huwag mo akong iiwan!”
Iyon ang nasabi ko sa katindihan ng pagkasabik sa kanya. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa sa pagpapahayag ng damdamin. Iyon ang nadarama ko at wala nang makakapigil sa akin.
Hanggang sa makita ko ang mga luhang umagos sa mga mata ni Michelle. Nag-unahan sa pag-agos sa pisngi. Tumuloy sa gilid at bumagsak sa kumot. Pinahid ko ng daliri ang luha.
“Gagaling ka, Michelle. Magkakaroon ka ng boses. Sabi ng doctor, lagi ka raw magbabasa para manauli ang iyong boses.”
Nakita ko sa mga mata ni Michelle ang pagsang-ayon.
“Hindi kita iiwan Michelle, pangako. Kahit ano pang mangyari, narito ako sa tabi mo,” sabi ko pa at pinisil ang kanyang palad. Ayaw gumanti ng pisil. Siguro nga’y walang lakas ang kanyang kamay. Mahina. Gusto man niyang ipaabot ang kanyang nadarama, hindi niya magawa.
“Mahal na mahal kita Michelle. Mahal na mahal.”
At sa unang pagkakataon ay nakita ko ang pagsang-ayon ni Michelle sa sinabi ko. Ngumiti siya. Isang matibay na pagpapahayag ng damdamin sa akin. Pagpapahayag din na pinatatawad na ako sa lahat ng mga nagawa kong kasa-lanan.
Iyon ang pinakamaligayang sandali sa aking buhay.
Hinalikan ko siya nang marahan sa pisngi. Punumpuno ng pagmama-hal ang halik kong iyon. Walang kapantay.
(Itutuloy)