Karugtong ng init (65)

MANILA, Philippines - ISANG engrandeng ka­salan ang naganap sa Manila Cathedral. Napa­ka­ganda ng kapatid kong si Abby sa damit pang­kasal. Habang inihahatid ko siya sa altar at ipagka­tiwala sa kamay ng ma­papangasawang si Luis, pakiramdam ko, natupad na lahat ang pangarap ko sa buhay. Ang pangako ko sa aming mga ma­gulang na hindi pababa­yaan si Abby ay nagka­roon ng katuparan. Alam ko, magiging maligaya si Abby sa kamay ni Luis. Hindi siya magsisisi sa lalaking kanyang piniling pakasalan.

Matapos ang masa­yang reception na gina­nap sa isang 5-star hotel ay mag-isa na akong umuwi sa aming bahay sa Makati. At doon ko lubos na naram­daman ang lungkot. Nag-iisa na talaga ako rito. At lalo nang magiging ma­lung­kot pag-alis kong muli patungong Saudi. Siguro ay paminsan-minsan na lamang kung magkita kami ni Abby. Bibisitahin na lamang niya itong aming bahay kapag Sabado o Linggo.

Makalipas ang isang linggo ay dumating na buhat sa honeymoon sina Abby at Luis. Dinalaw agad ako. Ako naman ay nag-eempake na ng damit dahil dalawang araw na lamang ay aalis na ako patungong Riyadh.

“Bibisitahin ko na lang itong bahay natin Kuya kapag may time kami ni Luis. Kasi malayo rin naman ang Sta. Rosa rito.”

“Sana Sabado o Linggo ay dito kayo matulog ni Luis. Kawawa naman itong bahay.”

“Pipilitin ko Kuya.”

“Madali kasing masira ang bahay kapag walang nakatira.”

“E kung mag-finish contract ka na kaya Kuya at maglagi na lamang dito. Tutal naman e ang dami mo nang ipon. Sobra-sobra na. Kahit nga bumili ka ng condo e puwede. Kung ipag­bili kaya natin ito at ibili mo ng condo.”

“Ayoko Abby, gusto ko dito ako sa bahay at lupang naipundar natin.”

“E kailan mo balak mag-finish?”

“Siguro dalawang taon pa. Okey na okey na yun. Malaki na ang separation pay ko.”

“Tapos maghanap ka na ng mapapangasawa. Tu­ma­tanda ka na, Kuya.”

“Bahala na.”

“Kapag me natipuhan ako sa office namin na kasing-edad mo e ipa­kilala ko sa’yo.”

“Sige, pero yung ma­ganda ha. Baka naman ang ipakilala mo sa akin e pangit. Gusto ko ka­mukha ni…”

“Ni Michelle, Kuya?”

Tumango ako.

“Naku, mahirap hu­ma­nap ng katulad ni Michelle na maganda na ay mabait pa. Pero sige at maghahanap ako. Pag-uwi mo after two years e baka meron na.”

(Itutuloy)


Show comments