Karugtong ng init (65)
MANILA, Philippines - ISANG engrandeng kasalan ang naganap sa Manila Cathedral. Napakaganda ng kapatid kong si Abby sa damit pangkasal. Habang inihahatid ko siya sa altar at ipagkatiwala sa kamay ng mapapangasawang si Luis, pakiramdam ko, natupad na lahat ang pangarap ko sa buhay. Ang pangako ko sa aming mga magulang na hindi pababayaan si Abby ay nagkaroon ng katuparan. Alam ko, magiging maligaya si Abby sa kamay ni Luis. Hindi siya magsisisi sa lalaking kanyang piniling pakasalan.
Matapos ang masayang reception na ginanap sa isang 5-star hotel ay mag-isa na akong umuwi sa aming bahay sa Makati. At doon ko lubos na naramdaman ang lungkot. Nag-iisa na talaga ako rito. At lalo nang magiging malungkot pag-alis kong muli patungong Saudi. Siguro ay paminsan-minsan na lamang kung magkita kami ni Abby. Bibisitahin na lamang niya itong aming bahay kapag Sabado o Linggo.
Makalipas ang isang linggo ay dumating na buhat sa honeymoon sina Abby at Luis. Dinalaw agad ako. Ako naman ay nag-eempake na ng damit dahil dalawang araw na lamang ay aalis na ako patungong Riyadh.
“Bibisitahin ko na lang itong bahay natin Kuya kapag may time kami ni Luis. Kasi malayo rin naman ang Sta. Rosa rito.”
“Sana Sabado o Linggo ay dito kayo matulog ni Luis. Kawawa naman itong bahay.”
“Pipilitin ko Kuya.”
“Madali kasing masira ang bahay kapag walang nakatira.”
“E kung mag-finish contract ka na kaya Kuya at maglagi na lamang dito. Tutal naman e ang dami mo nang ipon. Sobra-sobra na. Kahit nga bumili ka ng condo e puwede. Kung ipagbili kaya natin ito at ibili mo ng condo.”
“Ayoko Abby, gusto ko dito ako sa bahay at lupang naipundar natin.”
“E kailan mo balak mag-finish?”
“Siguro dalawang taon pa. Okey na okey na yun. Malaki na ang separation pay ko.”
“Tapos maghanap ka na ng mapapangasawa. Tumatanda ka na, Kuya.”
“Bahala na.”
“Kapag me natipuhan ako sa office namin na kasing-edad mo e ipakilala ko sa’yo.”
“Sige, pero yung maganda ha. Baka naman ang ipakilala mo sa akin e pangit. Gusto ko kamukha ni…”
“Ni Michelle, Kuya?”
Tumango ako.
“Naku, mahirap humanap ng katulad ni Michelle na maganda na ay mabait pa. Pero sige at maghahanap ako. Pag-uwi mo after two years e baka meron na.”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending