Karugtong ng Init (59)
“ANG sakit ng nangyari ano, Kuya?”
Napatango ako.
“Nagpunta siya ng Australia para kumita at maipagamot ang ama pero wala rin palang mangyayari. Tapos nga, nagkahiwalay pa kayo. Kaya palagay ko, hindi na babalik dito yun. Wala na naman siyang babalikan dito.”
Nakatingin ako kay Abby pero lumilipad ang isip ko. Wala na nga kayang pag-asa pa na ang kahapon namin ay muling bumalik.
“Siguro naisip ni Michelle, mabuti pa e hindi na lang siya nag-Australia. Dalawa ang nawala sa kanya — tatay niya at ikaw, Kuya.”
“Pero Abby wala ba siyang nababanggit tungkol sa akin. Kahit ‘yung pagkumusta lang?”
“Wala Kuya.”
“E ikaw may nababanggit ka sa kanya. Hindi mo ba nasabi na ako’y nasa Saudi Arabia.”
“Naku Kuya hindi ko basta masasabi iyon sa kanya. Siyempre nahihiya ako dahil siya ang naapi. Ang pag-uusap namin ay parang kaibigan lang at hindi kasali ang nangyari sa inyo.”
Napabuntunghininga ako.
“Sana nasabi mo na wala na kami nung babaing sumira sa amin. Sana kinuwento mo na nasa Saudi ako at maganda naman ang trabaho.”
“Ay naku Kuya, sorry. Hindi kaya ng powers ko na magkuwento o bumanggit man lang kahit kapiranggot ukol sa iyo.”
Naunawaan ko si Abby.
Dinampot ko ang rosas na binili ko at dinala sa kuwarto. Ipinatong ko sa mesa. Nahiga ako. Siguro nga sa Australia na talaga maninirahan si Michelle. Doon na siya mamama- lagi sa habang panahon.
Kinabukasan, ipinasya kong bumalik sa Dimasalang at tinungo ang bahay nina Michelle. Gusto kong makasiguro. Hindi pa rin matanggap ng loob ko na hindi na siya babalik ng Pilipinas.
Lumapit ako sa bahay. Walang nabago sa istruktura. Pero halatang wala nang nakatira dahil may mga damong tumubo sa gilid ng pader na malapit sa bakal na gate. Halatang walang nagwawalis dahil may mga balat ng kendi, upos ng sigarilyo na tinangay sa may gate. Sinilip ko ang loob. Madilim.
Hanggang sa isang babae ang nagtaka yata sa pagsilip-silip ko sa bahay.
“Wala nang nakatira diyan, Mister. Nag-abroad na.”
“Iba na po ang may-ari?” “Hindi ako sigurado pero baka ipinagbili na nga ‘yan.”
“Ganoon po ba?”
“E sino ka ba Mister?’
“Kaibigan po.”
Iyon lang at iniwan na ako ng babae. Minsan ko pang tiningnan ang bahay at ipinasya ko nang umalis. (Itutuloy)
- Latest
- Trending