Karugtong ng Init (53)

GULAT na gulat ang ka­patid kong si Abby nang dumating ako sa bahay. Paano’y alas-kuwatro ng madaling-araw iyon at kasarapan ng kanyang tulog. Ayaw pa nga akong pagbuksan dahil hindi niya sigurado kung ako nga ang kumakatok. Nang iawang ng kaunti ang pinto at silipin ako ay saka nakasigurado.

“Ano Kuya? Anong nangyari?”

“Bigyan mo muna ako ng kape Abby at masama ang hapdi ng sikmura ko. Para akong susuka.”

Dali-daling nagtimpla ng kape si Abby. Black coffee ang inihanda. Para raw ma­alis ang hang-over ko.

“Anong nangyari at ga­nitong oras ka dumating?”

Kinuwento ko ang mga nangyari. Tila hindi humi­hinga si Abby nang ikinu­kuwento ko ang ginawa ni Rica. Pero sa ekspresyon ng mukha niya ay nakikita kong natutuwa siya sa nangyari. Isang malaking dahilan para tuluyan na kaming magkahiwalay. Iyon sa palagay ko ang ma­tagal nang gustong mang­yari ni Rica.

“Tama ka Abby, ma­sama ngang babae ang nasamahan ko. Tama ang kutob mo.”

“Ikaw lang Kuya eh. Noon pa, masama na ang nararamdaman ko sa Rica na yun. Kung nakinig ka hindi mo na sana naram­daman ang sakit…”

“Tanga kasi ako, Abby. Mega Tanga ba?”

“Shock ako Kuya na yung ipinagbuntis niya e hindi pala sa’yo. E hindi mo ba talaga nahalata? Kasi ang ibang lalaki alam kung ka­ ilan nila ginalaw ang ba­bae at nabibilang nila kung tama ba sa araw o buwan ang pinagbu­buntis…”

“E Mega Tanga nga ako, Abby.”

“Malupit ang babaing iyon. Kapag siguro nagka­salubong kami baka hindi ako makapagpigil e ma­sampal ko ‘yon.”

“Huwag na. Gulo lang.”

“Ang kapal ng mukha na pinaangkin sa’yo ang bata e hindi naman pala galing sa iyo ang semilya. Yakkk”

Hindi na ako nagsalita pa. Inubos ko ang kape.

“Sige magpahinga ka na Kuya. Aayusin ko ang bed mo. Huwag ka nang mag­kakamali sa babae. At please baka naman dumating ang araw e lumuhod sa harapan mo ang Ricang iyon at tang­gapin mo, huwag ka nang magpakita rito.”

“Hindi na. Hindi na ma­uulit ang katangahan.”

“Sana nga.”

(Itutuloy)

Show comments