Karugtong ng Init (53)
GULAT na gulat ang kapatid kong si Abby nang dumating ako sa bahay. Paano’y alas-kuwatro ng madaling-araw iyon at kasarapan ng kanyang tulog. Ayaw pa nga akong pagbuksan dahil hindi niya sigurado kung ako nga ang kumakatok. Nang iawang ng kaunti ang pinto at silipin ako ay saka nakasigurado.
“Ano Kuya? Anong nangyari?”
“Bigyan mo muna ako ng kape Abby at masama ang hapdi ng sikmura ko. Para akong susuka.”
Dali-daling nagtimpla ng kape si Abby. Black coffee ang inihanda. Para raw maalis ang hang-over ko.
“Anong nangyari at ganitong oras ka dumating?”
Kinuwento ko ang mga nangyari. Tila hindi humihinga si Abby nang ikinukuwento ko ang ginawa ni Rica. Pero sa ekspresyon ng mukha niya ay nakikita kong natutuwa siya sa nangyari. Isang malaking dahilan para tuluyan na kaming magkahiwalay. Iyon sa palagay ko ang matagal nang gustong mangyari ni Rica.
“Tama ka Abby, masama ngang babae ang nasamahan ko. Tama ang kutob mo.”
“Ikaw lang Kuya eh. Noon pa, masama na ang nararamdaman ko sa Rica na yun. Kung nakinig ka hindi mo na sana naramdaman ang sakit…”
“Tanga kasi ako, Abby. Mega Tanga ba?”
“Shock ako Kuya na yung ipinagbuntis niya e hindi pala sa’yo. E hindi mo ba talaga nahalata? Kasi ang ibang lalaki alam kung ka ilan nila ginalaw ang babae at nabibilang nila kung tama ba sa araw o buwan ang pinagbubuntis…”
“E Mega Tanga nga ako, Abby.”
“Malupit ang babaing iyon. Kapag siguro nagkasalubong kami baka hindi ako makapagpigil e masampal ko ‘yon.”
“Huwag na. Gulo lang.”
“Ang kapal ng mukha na pinaangkin sa’yo ang bata e hindi naman pala galing sa iyo ang semilya. Yakkk”
Hindi na ako nagsalita pa. Inubos ko ang kape.
“Sige magpahinga ka na Kuya. Aayusin ko ang bed mo. Huwag ka nang magkakamali sa babae. At please baka naman dumating ang araw e lumuhod sa harapan mo ang Ricang iyon at tanggapin mo, huwag ka nang magpakita rito.”
“Hindi na. Hindi na mauulit ang katangahan.”
“Sana nga.”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending