HINDI ko na mapalalampas ang ginagawa ni Rica. Hindi na maganda para sa isang inang katulad niya na mas gusto pang magsugal kaysa asikasuhin ang pamilya. Hindi na niya naaasikaso ang anak namin. Kailangang maputol na ang ginagawa niya!
Mabilis akong nagtu ngo sa aming kapitbahay na halos katabi lamang namin. Nasa ikalawang pinto sila. Kumatok ako. Sunud-sunod. Maya-maya, bumukas. Sumungaw ang isang babae na halos kasing-edad din siguro ni Rica. Maganda ang babae pero halatang maraming bisyo sa katawan. Nalanghap ko ang amoy-sigarilyo.
“Good evening nandiyan ba si Rica?”
“Ikaw si Ross ano?”
“Oo, puwede kong makausap si Rica?”
“Halika pasok ka. Nagkakatuwaan lang kami. Libangan lang.”
Gusto kong supalpalin ang babae na hindi na libangan ang ginagawa nila kundi sugal na.
Maramimg kasangkapan sa loob. Pero masama ang amoy dahil sa sigarilyo. Amoy sugalan talaga.
Nakita ko sa isang kuwarto ang mga nagsusugal. Dalawang lalaki at dalawang babae. Ang dalawang lalaki ay halos kasing-edad din ni Rica. Me bigote ang isa.
“Hoy Rica, sinusundo ka na ng dyowa mo!”
Bahagya nang nag-angat ng tingin si Rica sa akin. Parang walang dumating. Balewala ako. Kumulo ang bulkan sa dibdib ko. Nagbabanta na sa pagsabog.
“Halika na Rica!”
Saka lamang lubusang tumingin sa akin. Nagulat yata sa pagtataas ng boses ko.
“Mamaya ng konti. Susunod na ako.”
“Halika na sabi!”
“Ano ba?” sigaw niya.
“Halika na!”
Subalit ayaw talaga. Sumabog ang bulkan. Hinawakan ko ang kamay at saka hinatak palabas sa kinauupuan.
“Putang ina ka, bitiwan mo ako. Putang…”
Pero hindi siya makapiglas dahil sa mariin kong pagkakahawak. Kapag hindi siya sumunod mababali ang buto niya sa braso. Nailabas ko sa kuwarto. Kinaladkad ko na patungo sa amin.
“Putang ina mo, Ross. Hayop ka!”
Nang maipasok ko ay kinabig ko ang pinto. Lumikha ng ingay ang pagsalpak.
Isinalya ko sa sopa si Rica.
“Ano bang gusto mong mangyari Rica?”
“Ikaw anong gusto mo?” sagot niya.
“Me anak kang dapat intindihin dito sa bahay e kung saan ka naroon.”
“Wala kang pakialam sa akin. Hindi kita pinakikialaman kaya huwag mo akong pakikialaman.”
Gusto kong sapakin pero naging malamig pa rin ako. Hindi ko hinayaang manaig ang galit. Baka sumobra pa sa sapak ang magawa ko sa kanya. Binalaan ko na lang.
“Huwag ka nang makikipagsugal sa kanila. Huwag kang lalabas dito.”
“Sino ka para ako pigilan. Wala kang pakialam sa akin!”
Ang sumunod ay walang tigil na salitaan. Ayaw magpatalo. Matigas talaga ang ulo.
Ako ang sumuko. Hinayaan ko na sa gusto niya. Bahala na siya. Gusto ko nang sundin ang pinayo ni Jim. Hiwalayan mo na si Rica. Pero paano ang anak namin?
(Itutuloy)