KINABUKASAN, nakakita kami ng apartment. Malapit lamang iyon sa Gov. Forbes. Medyo mahal ang upa pero maayos at malinis. Walang daga. Hindi rin daw binaba ha. Itinodo ko ang naka-save na pera sa ATM para sa deposito at dalawang buwang advance. Bahala na. Malapit na naman ang suweldo. Mabuti na lang at may gamit si Rica —TV, ref, stove, electric fan, plantsa na kasama naming nailipat kung wala ay baka sa labas lagi kakain.
Sa umaga ay sabay kaming pumapasok sa office at ganoon din sa hapon. Ang pagkakabuntis ko kay Rica ay hindi nailihim sa aming opisina. Parang apoy na kumalat.
Si Jim na kasamahan ko ay gulat na gulat sa nangyari. May himig na paninisi.
“Sabi ko naman sa’yo Pre, huwag mong seseryosohin. Nalimutan mo na ba ang sinabi ko sa iyo noon, na si Rica ay pampalipas oras lang.”
“Nandiyan na ‘yan Pre. Wala na akong magawa.”
“Sana nag-isip ka muna bago kayo nagsama.”
“Wala na akong magawa Pre.”
“Paano yung isa mo? Yung nasa Australia?”
Nalungkot ako sa tanong na iyon. Mabigat ang loob ko.
“Wala na kami, Pre. Siguro hindi kami para sa isa’t isa.”
“E di magpapakasal kayo ni Rica, pre?” “Ayaw niya ng may tali. Okey lang sa kanya na mag-live-in kami.”
“Ibang klaseng babae ano? Sabagay kung yun ang gusto niya e di pagbigyan.”
Umalis na si Jim.
May isang buwan din bago ako nakadalaw sa kapatid kong si Abby. Hindi kasi ako basta makaalis ng bahay sapagkat nakabantay si Rica. At palagay ko, kung magpa paalam ako para dalawin si Abby ay hindi siya papayag.
Nang makita ako ni Abby ay nagulat ito sa itsura ko. Mukha raw akong tumanda at pumayat.
“Anong nangyarI sa iyo, Kuya? Isang buwan pa lang kayong nagsasama e para ka nang me TB.”
Napabuntunghininga na lamamg ako.
“Nagkausap na ba kayo ni Michelle, Abby?”
Tumango si Abby. Malungkot.
“Anong sabi?”
“Walang sinabi Kuya, iyak lang nang iyak.”
Nangilid ang luha ko.
(Itutuloy)