Karugtong ng init (7)
“E di kalimutan na muna ang balak natin next year?” sabi ko kay Michelle. Tungkol iyon sa balak naming pagpapakasal.
“Oo. Makakapaghintay pa naman di ba. Basta ang mahalaga ngayon ay makapag-ipon ako ng pampaopera.”
“Sige. Basta ba walang limutan. Basta ba walang…”
“Aba at parang duda ka pa pala sa akin. Kung hindi kita mahal hindi ako magpapaano sa’yo.”
Hinimas ko ang kamay. Dumako sa makinis niyang braso.
“Basta ako lang ha, Michelle?”
“Siyempre naman.”
Makalipas lang ang ilang araw ay positibo nang makakapunta ng Australia si Michelle. Open pa ang posisyon na iniaalok sa kanya para sa sister hotel nila sa Brisbane. Madali siyang makakapunta roon dahil kuwalipika- do siya.
Nang magkita kami, nabawasan na ang pag-iisip ni Michelle ukol sa tatay niya na maysakit. Malaki ang pag-asang madugtungan ang buhay dahil maipaoopera niya ito kapag nakapagtrabaho na sa Australia.
“Kapag natapos ko na ang obligasyon kay Tatay, pakasal na agad tayo ha?”
“Oo. Kaya nga huwag mo nang isipin na magtagal doon.”
“Pero kung magkaroon ng pagkakataon at maging immigrant ako, kukunin kita.”
“Ako ba ang uunahin mo o ang tatay at kapatid mo?”
“Ikaw muna siyempre,” sabi at nagtawa.
“Akala mo naman napakadali ano?” sabi ko.
“Walang biro, Ross kukunin kita. Doon tayo manirahan. Masarap daw doon.”
“Ang taas ng pangarap mo. Saka na nga natin pag-usapan ‘yan,” sabi ko para mailayo sa paghihiwalay ang usapan.
Sa totoo lang, unti-unti nang naghihirap ang kalooban ko sa paghihiwalay namin ni Michelle. Parang hindi ko matanggap na magkakalayo kami.
Mabilis na naayos ang mga papeles ni Michelle patungong Australia. Talagang wala nang makapipigil pa.
Ilang araw bago ang paglipad niya, nagkasarilinan muli kami sa isang motel sa Pasay — doon sa motel na dati naming pinuntahan noon. Pero sana ay hindi na namin ginawa iyon dahil mas masakit pala ang idudulot. Sana pinigil na lang.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending