“ANG bilis naman ng mga pangyayari,” sabi ko na hindi pa rin makapaniwala sa biglaang pagkamatay at ngayon ay abo na rin pala.
“Hindi ko nga matanggap ang nangyari kay Luningning, Rico. Ni hindi ko man lang nakita kung totoo nga bang binaril siya o sinabi lang iyon. At malay ko rin kung patay na ang Francis na iyon.”
“Sino ba ang nagbalita sa’yo?”
“Ang bunsong kapatid ni Francis — babae. Pareho raw natagpuan na patay na ang dalawa. Mismong sa bahay nina Luningning daw naganap ang krimen. At ang sabi nga nagselos daw si Francis kay Luningning…”
“Baka nga naman totoo.”
“Hindi ako naniniwa-la. Hula ko pinatay ta laga si Luningning. Si- guro pina-insured muna.”
“Pinoy ang napangasawa ni Luningning, Gina. Kahit paano, me takot sa Diyos.”
“Nawawala na ang takot sa Diyos kapag pera na ang dahilan. At saka alam ko rin, hindi kasundo ni Luningning ang biyenan niya. Sinabi niya sa akin iyon noon pero hindi raw siya titigil sa paggawa ng paraan para makasundo ang biyenan…” Napabuntunghininga ako. Narinig ko naman ang paghikbi ni Gina. Masamang–masama ang loob.
“Nandiyan na ‘yan, Gina, kahit na umiyak ka nang umiyak wala nang magagawa dahil abo na pala si Luningning.”
“Yun nga ang masakit, kahit nga ang abo niya e hindi ko na makikita.”
“Wala kang magagawa, Gina. Kaya siguro mas magandang ipagdasal na lamang natin si Luningning.”
Hindi nakapagsalita si Gina. Tila natauhan sa sinabi ko. Nang magsalita ay may hinahon na at ang tungkol sa anak ni Luningning na si Joepe nadako ang usapan.
“Naaawa ako kay Joepe. Wala na ang mommy niya. Hindi na pala sila magkikita.”
“Siguro talagang hanggang doon na lamang ang buhay ni Luningning. At siguro rin, kaya sa iyong poder napunta si Joepe ay dahil ituturing mo siyang tunay na anak…”
“Siguro nga Rico. Lalo tuloy napamahal sa akin si Joepe ngayon. At nagtataka ako kapag napagmamasdan ko ang bata, talagang malaki ang pagkakahawig sa’yo.”
Namutla ako at hindi agad nakasagot kay Gina, gayunman nakapagbiro pa rin ako.
“E siyempre, ako ang nagpapakain sa bata e di magiging kamukha ko. Alangan namang maging kamukha ‘yan ng kung sinu-sino lang.”
“Siguro, hawig mo ang ama ni Joepe ano?”
“Siguro mas guwapo pa ako.”
(Itutuloy)