“ANG saya-saya ng kasal namin, Gina,” sabi ni Luningning nang tumawag.
“Okey ka ba naman sa mga in-laws mo, Luningning?”
“Oo naman,” sagot ni Luningning. “Mababait sila. Tanggap na tanggap nga ako.”
“’Tingin ko sa biyenan mong babae e hindi siya warm na tao.”
“Naku hindi! Okey siya, Gina. Mabait siya.”
“E siyanga pala, saan kayo nakatira ni Francis?”
“Siyempre dito pa rin sa kanilang bahay pero next month lilipat na kami sa ibang bahay.”
“Saan ba ang work ni Francis?”
“Sa company na gumagawa ng juice.”
“Ikaw magtatrabaho ka ba?”
“Siyempre naman. Paano ako makakapagpadala ng pera kay Joepe kung wala akong trabaho. Kahit na nga anong trabaho papasukan ko basta kumita lang.”
“Baka naman kung mapaano ka diyan. At saka baka mahalata ka pag nagpadala ka ng pera. Baka itanong kung bakit ka nagpapadala?”
“Madali na iyon. Sasabihin ko para sa’yo.”
“Kasi’y hindi mo pinagtapat na single mother ka. Kung ipinagtapat mo ‘yon e di sana wala kang itatago ngayon.”
“Ay naku sinisisi mo na naman ako, Gina. Kaya nga kung minsan ayaw ko nang tumawag. Paulit-ulit ang mga sinasabi mo.”
“O siya sige hindi na. Gusto mo bang marinig ang boses ni Joepe?”
“Hindi na. Sige na. Malaki na ang babayaran sa bill.”
Natapos ang pag-uusap ng magkapatid. Si Gina ay naiwan na namang nag-iisip. Mas matindi ang pag-aalala sa kalagayan ni Luningning.
“Mas panatag pa ang loob ko noong nasa Riyadh siya,” sabi niya sa akin. Nakadama na ako ng pagka-irita.
“Alam mo baka ikaw ang may deperensiya dahil sa labis mong pag-aalala. Pawang negative ‘yang naiisip mo kay Luningning. Ikaw ang gumagawa ng multo. Sinabi naman ni Luningning na huwag kang mag-alala.”
Umiyak si Gina. Nagtataka ako sa mga kinikilos niya. Anong nangyayari sa asawa ko. Bakit siya ang apektado?
(Itutuloy)