Ang kasalanan namin ni Luningning (56)
MAKARAAN ang ilang araw ay tumawag si Luningning. Excited si Gina.
“Kumusta ang flight mo?” tanong ni Gina.
“Okey naman. Nasa airport na si Francis at nag-aabang kaya hindi ako nahirapan.”
“O e kailan ang kasal?”
“Sa isang linggo na. Nakahanda na nga ang lahat.”
“Mabuti naman at nakatawag ka agad.”
“Oo. Si Francis ang nagsabing tumawag agad ako.”
“Mabait naman pala si Bayaw e,” sabi ni Gina na nagtawa.
“Oo naman.”
“Gusto mong kausapin si Joepe?”
“Huwag na Gina at baka…”
“Baka ano?”
“Baka magtaka pa si Francis.”
“Na anak mo si Joepe?”
“Sinabi rin pala sa’yo ni Rico.”
“Bakit ba pinagkaila mo na single mother ka?”
“Hindi ko alam. Sige na at nakakahiya kay Francis. Wala akong ibabayad sa phone bill.”
“Paano tayo magkakakuwentuhan kung ganyang limitado ang ating usapan.”
“Bahala na Gina. Basta kayo na ang bahala kay Joepe, bye!”
Naputol na ang usapan ng dalawa.
Napabuntunghininga si Gina matapos ang usapan. Marami pang gustong itanong si Gina pero nagmamadali si Luningning. Nakakahiya raw kay Francis at baka malaki na ang bill.
“Ni hindi man lang niya narinig ang boses ng anak. Akala ko pa naman ang unang itatanong e ang anak. Yun pala ay natatakot na marinig ni Francis at baka siya mabuking. Masyadong kakaiba ang diskarte sa buhay ni Luningning…”
Noon ako nagkalakas ng loob na magsalita.
“Hayaan mo na kung ano ang diskarte ni Luningning at buhay niya iyon. Isa pa hindi na siya bata.”
“Me kutob kasi akong kakaiba. Parang me hindi magandang mangyayari kay Luningning sa piling ni Francis.”
Ako naman ang napabuntunghininga. Wala akong masabi sa nangyayari.
Ipinasya kong lapitan si Joepe na naglalaro sa salas.
Pinagmasdan ko ang aking anak. Habang lumalaki ay lalo siyang nagiging hawig sa akin.
Tinawag ko si Joepe. Lumingon agad nang marinig ang pangalan. Ngumiti. Lalong naging kyut. Sana nga ay hindi na siya kunin ni Luningning. Baka hindi ko kayanin kapag nawala si Joepe sa akin.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending