Ang kasalanan namin ni Luningning (53)
“KAMUKHANG-KAMUKHA mo nga si Joepe. Siguro kapag mga 10 years old na siya, lalong guwapo. Kakagigil na!” sabi ni Luningning. Nasa salas kami. Si Gina ay may pinuntahan. Ang maid naming si Elvie ay nasa palengke. Natutulog naman si Joepe sa kuwarto. Umaga noon. Ilang araw na lamang at aalis na si Luningning patungong Australia.
“Hindi maitatanggi na siya ang bunga ng ginawa natin sa Riyadh.”
“Oo nga.”
“Mahal na mahal siya ni Gina. Talagang anak na ang turing sa kanya. Pati nga ang dalawang anak namin, kapatid na ang turing kay Joepe.”
Nalungkot si Luningning napansin ko. Para bang mabigat ang loob.
“Sana huwag mo na siyang kunin at dalhin sa Australia, Luningning.”
Napakagat-labi si Luningning. Parang may sasabihin na inisip muna kung dapat nga bang sabihin sa akin.
“Talaga namang hindi ko siya madadala roon…”
Napamaang ako. Nag-isip sa sinabi ni Luningning.
“Bakit?” tanong ko pagkaraan.“Hindi naman alam ni Francis na mayroon akong anak. Ang alam niya, dalaga ako.”
“Bakit mo pinaglihim?”
“Kasi natakot akong baka umatras siya sa relasyon namin at mabigo na naman ako. Ayaw ko nang mabigo.”
“Kung talagang mahal ka niya, mauunawaan niya ang lahat.”
“Hindi ganoon si Fran cis. Kahit Pinoy siya, iba ang ugali niya. Ayaw niya nang may sabit.”
Ibang klaseng lalaki si Francis. Kinabahan ako sa papasukin ni Luningning. Pero sino ba ako para pigilin siya.
“Naaawa ako kay Joepe kasi parang tinakwil ko. Hindi ko alam kung gaano karaming luha ang uubusin ko kapag nasa Australia. Ang nakapagbibigay na lang ng lakas at ligaya sa akin ay mayroong ama si Joepe na laging nakatingin sa kanya. Mabuti naman at alam kong mahal na mahal mo siya…”
Nabagbag ang loob ko sa sinabi niya. Ano ba itong nangyayari sa amin ni Luningning? (Itutuloy)
- Latest
- Trending