Ang kasalanan namin ni Luningning (51)
“GANOON ba talaga, Luningning, doon kayo magpapakasal?”
“Oo naman. Bakit ba parang duda ka sa boyfriend ko, Gina?”
“Hindi naman sa duda kaya lang di ba dapat dito kayo magpakasal tapos saka asikasuhin ang papeles mo.”
“Iyon ang gusto ni Francis. Nagkasundo na kami. Okey na ang lahat.”
Parang tense si Lu-ningning. Ayaw yatang mapintasan ang boyfriend.
“M-mabait ba naman ang Francis na ‘yan, Luningning?”
“Ano ba naman ang tanong na ‘yan, Gina. Siyempre pipili ba naman ako ng hindi mabait.”
“Kasi’y sabi mo e sa e-mail at pakiki-pag-chat lang kayo nagsimula.”
“Hoy, madalas niya akong tawagan sa phone. Ay naku, talagang mahal na mahal niya ako. Sabik na sabik daw siyang makita ako.”
“Ano namang itsura?”
“Guwapo nga.”
“Taga-saan sila rito sa Pilipinas?”
“Sa Iloilo. Matagal na silang nasa Brisbane. La-hat sila naroon na. Mahigit na raw silang 20 years doon.”
“Anong trabaho ni Francis?”
“Sa casino raw siya.”
“Aba e ’di maraming pera,” nagtatawang sabi ni Gina.
“Ano pa?” “Kailan ang balak n’yong magpakasal, Luningning?”
“Sa lalong madaling panahon daw. Pinagre-resign na nga ako rito.”
“E paano kung niloloko ka lang?”
Nagtawa si Luningning.
“Ate para kang tanga kung magtanong. Anong akala mo sa akin, bata?”
“E kasi mayroon ka nang masamang karanasan. Niloko ka na kasi ng lalaki at ayaw ko na sanang mangyari uli sa’yo yon.”
“Ay naku, pinaalala mo na naman yun. Nalilimutan ko na nga e ni-remind mo uli…”
“E sa hindi ko malimutan e. Naaawa kasi ako sa’yo.”
“Tapos na ‘yun. Huwag mo nang itatanong uli sa akin ‘yon.”
“E teka hindi mo pa sinasagot ang tanong ko kanina. Paano si Joepe?”
“Ikaw na muna ang bahala sa kanya Gina. Hindi ko alam kung mada dala ko siya sa Brisbane.”
“Bakit?”
“Siyempre, itatanong ko pa kay Francis.”
“O e kung ayaw ng boyfriend mo e di dito na lang siya. Mahal na mahal namin si Joepe. Maski si Rico e mahal na mahal ang bata. Parang anak na nga ang turing niya.”
Walang masabi si Luningning sa pagkakataong iyon. (Itutuloy)
- Latest
- Trending