Ang kasalanan namin ni Luningning (49)
NAKATINGIN sa amin ni Luningning ang maid na si Elvie. Karga ang tulog na si Joepe.
“Matagal ka nang nakatayo diyan, Elvie?” tanong ko.
“Hindi po.”
“Me narinig ka sa pi-nag-uusapan namin?”
“Wala po.”
Nakita ko ang lihim na pagtingin sa akin ni Luningning na nagsasabing huwag na akong magtanong pa sa maid. Bakit nga ba ganoon ang naitanong ko kay Elvie. Baka mag-hinala pa at magsumbong kay Gina. Pero sa pakiramdam ko, baka nga hindi niya narinig dahil hindi pa siya natatagalan sa pagkakatayo sa may pinto.
“Tulog na po kasi si Joepe at dadalhin ko sa kuwarto.”
“Sige dalhin mo na. Ingatan mo lang at baka magising,” sabi ko.
Nakatingin sa akin si Luningning. Tila may gusto pang sabihin kaugnay ng napag-usapan namin kanina.
“Okey na ang usapan natin, Rico?”
Tumango ako. Okey na nga ang arrangement namin. Parang walang nangyari. Tuloy ang buhay. Basta huwag ko lang daw pabayaan ang aming anak habang siya ay nasa Saudi. Walang lihim na mabubunyag. Kaming dalawa lamang ang nakaaalam ng lahat.
“Ganito siguro talaga ang kapalaran ko,” sabi ni Luningning at tumingin sa may kuwartong pinasukan ng maid na si Elvie. “Pero hindi ako nagsisisi dahil nagkaroon ako ng anak.”
“Maaari ka pa namang mag-asawa, Luningning.”
Nagtawa. Parang hindi naniniwala sa sinabi ko.
“Ba’t ka nagtawa? Hin- di naman imposible dahil bata ka pa.”
“Bata pa ang 42?”
“Oo. Iyong iba nga nag-aasawa e malapit nang magsingkuwenta at may nagkakaanak pa.”
“Delikado na ‘yun. Baka magkadeperensiya ang isisilang.”
“Malay mo pagbalik mo sa Saudi e mayroong manligaw sa’yo.”
Nagtawa uli.
“Ewan. Kung walang manligaw e okey lang. Mayroon naman akong Joepe. Tama na sa akin si Joepe.”
Pero nagdilang-anghel yata ako sapagkat nang magbalik sa Riyadh si Luningning ay may ibinalita kay Gina. May nanliligaw daw.
“Sana wag lokohin si Luningning. Kawawa naman ang kapatid ko ka-pag niloko uli ng lalaki.”
Ako man ay nakasambit ng dasal na sana nga makatagpo na ng lalaki si Luningning. Para ganap nang maging sarado ang nangyari sa amin. Kung makapag-aasawa si Luningning, may sarili na siyang buhay at mababaon na sa limot ang lahat. Ang ayaw ko lang mangyari, huwag na sana niyang kunin si Joepe sa amin. Huwag na sanang bawiin ang anak ko.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending