KINABUKASAN tumawag si Jigo. Maagang-maaga. Hindi pa ako nakakapag-almusal e nag-ring na ang cell phone ko. Hindi ko sinagot. Hinayaan kong mag-ring nang mag-ring. Nang magsawa ay tumigil din.
Hapon, dakong ala-una at nasa opisina ako ay tumawag na naman. Gaya ng dati, hindi ko sinagot. Hinayaan kong mag-ring. Naka-set naman iyon sa silent mode kaya maski ang mga kasamahan ko ay hindi maririnig. Hinayaan kong magsawa sa pag-ring. Tumigil din. Kapag nag-ring uli, ganoon uli ang gagawin ko. Hindi ko siya sasagutin kahit na ano ang mangyari. Lalong nadagdagan ang pagdududa ko na may masama siyang tangka sa akin. Alam na niya ang nangyari sa amin ni Diana at gaganti siya. Kung nagawa niyang ipapatay ang asawa, ako pang kalaguyo ang hindi? At siya mismo ang gagawa niyon. Kapag napatay niya ako, maaaring sumibat na siya pauwing Pinas. Malay ko ba kung nakahanda na ang passport niya. Lilipad na lang. Siguro, lalasunin niya ako. Hahaluan niya ng lason ang kakainin kong kabsa. O kaya ang softdrink. Kapag bumubula na ang bibig ko, saka siya sisibat. Style niya bulok. May ganun nang nangyari rito. Hindi niya ako malalansi. Siyempre nagpakita siya ng kabaitan sa akin nung magkita kami para nga naman hindi ako magkahinala. Hindi pa siya handa noon kaya wa lang nangyari. Ngayon, tiyak na handa na siya. Buo na ang planong paghihiganti sa akin.
Tumawag uli si Jigo dakong alas-tres ng hapon. Naghahanda na kami sa pag-uwi. Hanggang alas-tres lamang ang trabaho namin. Pero hindi ko rin sinagot. Pinati gasan ko na talaga.
Pero kasunod ng pagtawag niya ay ang text na aking natanggap.
“Ninong, me ibibi-gay akong pera. Magkita tayo sa Batha, 7 p.m. mamaya. Paalis na ako punta Ca-nada…”
Hindi ako makakilos sa kinatatayuan.
(Itutuloy)