HINDI ko na dapat pang hangarin na maibalik ang perang nawala sa akin. Para ano pa? Kalimutan ko na lang iyon at pagsikapan na lamang na makapag-ipon para magamit ko sa aking pamilya. Ituring ko na lamang na nadukot ang pera sa aking bulsa. Nawalang parang bula. Siguro, para bigyan ako nang matinding leksiyon. Kay Jigo na lamang ang perang iyon. Tutal, inagrabyado ko rin siya.
Hindi ko na inasahang tatawagan o kaya ay mag kikita pa kami ni Jigo. Sana nga huwag na. Iyon naman ang gusto ko. Ayaw ko nang magkaroon muli ng pagkakataon na maulit ang mga nangyari sa aming dalawa noon. Kinalimutan ko na ang pagiging baliw. Bahagi na lamang iyon ng isang masamang bangungot. Ayaw ko nang isipin ang mga nangyari sa amin noon.
Lumipas ang mga bu wan, hanggang sa lumipas ang dalawang taon. Pangako ko noon kay Delia hindi na ako babalik. May naipon na naman akong kaunti dahil nagkaroon ako ng sideline. Puwede nang pangpuhunan iyon sa karinderia. At saka sabi ni Delia, umuwi na ako. Kahit daw walang dalang pera, okey lang sa kanya. Makakaraos din siguro kami. Mas mahalaga raw na magkasama kami.
“Sige, magsasabi na ako sa boss ko na hindi na magrere-contract.”
“May naipon din naman akong kaunti, Mon, pandagdag sa dala mo. Maaari nating palakihin itong karinderya. Alam mo marami na akong kustomer. Kapag narito ka, tulong tayo. Mabubuhay din tayo.”
“Sige, hintayin n’yo na lang ako.”
Dalawang linggo bago matapos ang aking con-tract, ay nagsabi na ako sa boss ko. Wala namang tutol. Kapag daw gusto ko uli na bumalik, tawagan ko lang siya.
Isang linggo bago ang aking departure, nagulat ako nang tumawag si Jigo.
“Magkita tayo, mamaya Ninong. Sa Batha. doon sa kinainan natin. Importante lang,” mahinahon ang boses niya.
“Tungkol saan?”
“Mamaya ko na sa-sabihin, Ninong. Asahan ko ha?”
“Sige Jigo.”
(Itutuloy)