NANG magising ako ay masakit ang tama ng liwanag sa aking braso. Nakahilig na ang araw kaya eksakto ang tama sa aking katawan. Bumangon ako. Naramdaman ko ang pananakit ng aking leeg. Dahil siguro sa pagkakaunan ko sa matigas na maleta.
Kinapa ko ang aking bulsa. Wala akong masalat na cell phone. Putang-ina, wala na ang cell phone ko. Tumingin ako sa ilalim ng upuan at baka nahulog lang. Wala! Nadukot na ang mamahalin kong cell phone. Hindi ko naramdaman nang dukutin. Siguro ay nasa kahimbingan ako ng tulog, Naihampas ko ang kamao sa maleta. Iyon ang tangi kong magagawa sa pagkakataong iyon. Sinisingil na nga ako siguro ng langit dahil sa ginawa kong panloloko sa aking asawa.
Nang bigla kong maalala ang aking pitaka sa bulsa. Baka pati iyon ay nadukot din. May laman pang pera iyon. Nang kapain ko, naroon pa. At least mayroon pa akong maibibili ng pagkain.
Ipinasya kong lisanin na ang harapan ng Sta. Cruz Church. Hindi pala ako ligtas kahit nasa bakuran ng simbahan.
Bitbit ang maleta, tumawid ako sa kalsadang patungo sa gawing Escolta. Dinadaanan ko ang isang tulay na ang tubig sa ilalim ay hindi kumikilos dahil sa dami ng basura. Nang makalampas sa tulay ay nakita ko ang mga estudyante ng isang maritime school, pawang nakauniporme na nagkalipumpon sa mga vendor na nagtitinda ng meryenda — fishball, kikiam, pizza at kung anu-ano pa. Gutom na ako. Nakihalo ako sa mga estudyante sa pagtusok sa fishball. Apat na fishball ang natusok ko. Sinawsaw ko sa matamis-maasim na sauce. Naglalaway na ako habang ginagawa iyon. Nang malasahan ng aking dila ang masarap na sauce at pandalas kong kinain ang fishball. Hindi ko naramdaman ang init.
Tumusok pa ako ng apat. Sawsaw uli. Subo. Nguya. Ubos agad. Isang round pa ang ginawa ko hanggang sa mapunan ang aking gutom. Humingi ako ng isang basong buko juice at lalo nang naramdaman ko ang walang katulad na kabusugan. Binayaran ko pagkatapos. Mahigit P20 lang.
Ipinasya kong maglakad sa pampang ng Pasig River malapit sa Jones Bridge. Nagulat ako nang makitang sementado na pala iyon. Marami ring taong nakaistambay. Bakasakaling dito ako makakita ng hihigaan pagsapit ng gabi.
(Itutuloy)