Ninong (84)

SI Diana ang naglalakad! Hindi ako maaaring mag­kamali. Lalo kong binili­san ang paglakad para maabot ang babae. Kahit may nabangga ako ay hindi ko na pinansin. Baka makawala sa aking paningin ang babae na palagay ko ay si Diana.

Patawid na ang ba­ bae sa Avenida nang abutan ko.

Tinampal ko sa ba­likat.

“Diana!”

Nagulat ang babae sa bigla kong pagtampal. Lumingon.

“Ano?”

Hindi si Diana ang ba­bae. Kahawig lang pala kapag nakatalikod.

“Sorry Mam. Sorry!”

“Next time huwag kang basta mangtatampal!” sa­bing mataray ng babae na siguro nga’y nasaktan sa pagtapik ko. Nag-sorry uli ako. Mabilis na naglakad ang babae. Ako ay na­iwang nakatunganga.

Matindi na ang nang­yayari sa akin na bawat makasalubong na babae, ang tingin ko ay si Diana. Nababaliw na yata ako o kaya’y nalilipasan lamang ng gutom.

Bumalik ako patungo sa may simbahan ng Quiapo. Doon ako mag-aabang sa may simbahan. Baka saka­ling magtungo sa simba­han si Diana at matiyem­puhan ko.

Pero inabot ako ng mag­­­hapon sa may pinto ng simbahan ay wala akong nakitang Diana.

Nang magsawa ako sa may pintuan ng simbahan, sa may bunganga ng Lacson Underpass ako nag-abang. Bahala na, Baka sakali. Pero wala rin akong nakitang Diana. Baka hindi siya sa Quiapo gumagala. Baka nga dahil marami na siyang pera. Baka sa Greenhills o sa Makati siya gumagala at inuubos ang aking pera. Putang-ina!

Nang magsawa ako sa pagbabantay sa under­pass, umalis na ako at naghanap ng maka­ka­inan. Kahit goto at tokwa’t baboy lang okey na. Gusto kong maka­tipid para hindi agad maubos ang aking pera. Marami pa akong balak na puntahan para makita ang babaing nag­walang­hiya sa akin. Hindi ako titigil sa pagha­hanap sa kanya.

(Itutuloy)

Show comments