TAMANG-TAMA naman na matatapos na talaga ang aking kontrata ng panahong iyon kaya hindi na ako mahihirapan pa. Tatapusin ko na lang ang kontrata at babay na. Wala nang extend-extend pa. Hindi ko na kayang tumagal pa habang naghihintay naman ang alindog ni Lady Diana.
Isang kasamahan ko lamang ang pinag kuwentuhan ko na hindi na ako pipirma ng panibagong kontrata at parang apoy na kumalat iyon.
“For good ka na Mon?” tanong ng isang kasamahan nang masalubong ako habang patungo sa personnel office.
“Oo Bay! Nagsasawa na ako rito. Malungkot na.”
Nagtawa ang kasamahan ko.
“Kasi wala nang lumalaro diyan sa bi-siro mo, he-he-he!”
Si Jigo ang tinutu-koy ng kasamahan ko. Alam din nito ang nangyari sa amin ni Jigo.
“Magbi-business na lang ako, Bay,” sabi ko.
“Mabuti ka pa. Ako siguro dito na tatanda, Nag-aaral pa kasi ang mga anak ko Mon. Kapag nakatapos sila, saka lamang ako uuwi… mahirap kung ngayon. Hindi raw maganda ang economy sa Pinas.”
“Ah wala nang ma kakapigil sa akin. Talagang uwing-uwi na ako.”
“E di matutuwa na ang asawa mo niyan dahil magkakasama na kayo?”
Nagtawa lamang ako.
“Sige Mon good luck!”
Madaling naayos ang mga papers ko. Nakapag-clearance. At nakuha ko sa wakas ang perang katumbas nang maraming taon na aking pinaghirapan. Malaki. Maaari nang gamiting panimula sa isang maliit na negosyo.
Pero gaya nang naipangako ko kay Diana, ipadadala ko iyon sa kanya. Para sa aming dalawa iyon. Kami na ang magsasama sa pagbalik ko sa Pinas. Siya lamang at wala nang iba pa. Wala na akong ibang naiisip kundi si Diana. Baliw na baliw na ako kay Lady Diana.
Ilang oras makaraang maideposito ko sa account ni Diana ang aking separation pay, itinawag ko iyon kay Lady Diana.
At suwerteng sinagot agad niya. Para bang nakaabang na siya sa tawag ko.
(Itutuloy)