Ninong (57)
MAKALIPAS ang isang linggo ay nakatanggap ako ng text kay Diana. Iyon ang sagot niya sa aking inimbentong sulat ukol sa pagkatao ni Jigo. Sa sulat ay sinabi kong homesexual si Jigo at marami nang nakatalik na lalaki. Posibleng magka-AIDS dahil kung sinu-sinong lalaki ang sinasamahan. Sa huli, sinabi kong bakit hindi pa niya hiwalayan si Jigo. Baka mahawa pa siya sa sakit nito.
Siguro’y halos puputok na ang kalooban ni Diana kaya nang mabasa ang aking letter ay agad nag-text.
“Talagang hihiwalayan ko siya. Pagdating niya rito wala na ako!”
Maikli lang ang text ni Diana. At gusto kong maglulundag sa katuwaan. Tagumpay ang plano ko. Tiyak na kaming dalawa ang magsasama kapag nagkahiwalay na sila ni Jigo.
Sinagot ko agad ang text.
“Huwag kang malungkot at nandito naman ako. Akong bahala sa’yo. Titingnan ko kung kailan ako makauwi para magkasama tayo. Basta tayong dalawa pa rin. Hintayin mo lang padala kong $…”
Hindi na ako sinagot ni Diana. Siguro ay masamang-masama ang loob. Siguro ay masyadong apektado sa inimbento kong sulat ukol sa kabaklaan ni Jigo.
Isang buwan pa ang nakalipas, nanonood ako ng TV nang biglang may kumatok. Nang buksan ko ay si Jigo. Nakangiti ito. Para bang walang problema.
“Uuwi ako Ninong,” sabi.
Nagulat ako.
“Paanong uuwi?” tanong ko.
“Sa Pinas.”
“Ano, babalik ka pa o hindi na?”
“Bahala na.”
“Alam na ni Diana na uuwi ka?”
“Hindi. Sosorpresahin ko nga. Ang alam niya ay isang taon pa ako rito.”
Hindi ako mapakali sa kinauupuan. Kailangang mai-text ko si Diana at nang makapaghanda siya.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending