ANO ba itong naiisip kong masama laban kay Jigo. Sira na nga yata ang ulo ko dahil sa matinding pagkahumaling kay Diana. Naisip ko, ano kaya at patayin ko si Jigo para masarili ko nang tuluyan si Diana. Madali kong maisasagawa iyon dahil nagsosolo lang siya sa kuwarto. Madali kong maisasagawa ang plano. Madali ko siyang matatakpan ng unan sa mukha at siyempre ang lalabas sa awtopsiya ay binangungot, ha-ha-ha!
Ganoon kasama ang aking naisip makaraang sabihin ni Jigo na gusto na niyang magbago at gusto na ring humiwalay ng kuwarto. At ang matindi nga ay ang plano na niyang pag-uwi. Baka tatapusin na lamang ang kontrata. Iyon ang ayaw kong mangyari. Hindi siya makakauwi ng buhay!
“Sige Ninong, doon na ako sa bago kong kuwarto.”
Nagulat ako sa pagpapaalam ni Jigo. Bitbit nito ang maleta ng damit.
“Talagang hindi ka na mapipigil?” sabi ko.
“Hindi na Ninong.”
“Baka magbago pa ang isip mo e maaari pa.”
Nagtawa lamang si Jigo.
“Bakit ka nagtawa?” tanong ko.
“Kasi’y parang lumalabas na pinipigilan mo ako kahit na gusto ko nang magbago. Gusto mo yata na ako sa putik…”
Supalpal ako. Walanghiyang ito at ako ngayon ang lumalabas na masama. Pero hindi na ako nagsalita pa. Ayaw kong magkaroon kami nang mainitang pag-uusap. Dito sa Saudi ay mahirap ang may makaaway. Delikado.
“Sige Ninong…”
Tumango lamang ako. Lumabas na siya at ganap na akong napag-isa. Baka bukas o sa makalawa ay mayroon na akong bagong kasama sa kuwartong ito.
Nahiga na ako para matulog pero ayaw akong antukin. Nakadilat ang mga mata ko at ang nakikita ko sa kisame ay si Diana. Nanunukso ang ngiti.
(Itutuloy)