Ate Flora (ika-89 na labas)

PARANG panaginip lang daw ang lahat sabi ni Ate Flora nang kami na lamang dalawa ang nasa bahay. Hindi mailarawan ang kanyang nadaramang kaligayahan.

“Parang nananaginip ako Ara. Ganito ba talaga kabilis ang pag-aasawa?”

“Di ba may kasabihan daw na ang pag-aasawa ay bigla na lamang duma­rating. Hindi ka makakapa­niwala pero iyon ang totoo.”

“Pero lubhang napaka­bilis ng nangyari sa amin ni Van. Puwede sa Guiness Records. Ngayon nga lang kami nagkita pero nagkau­nawaan na at nagpaplano nang pakasal.”

“Talaga sigurong ganyan ang kuwento n’yo, Ate.”

“Uy huwag mong kalili­mutan na isulat ang buhay at pag-ibig ko ha, Ara?”

“Siyempre pa Ate. Ikaw yata ang bida.”

“Lahat isulat mo tungkol sa akin ha. Yung lahat ng mga nangyari noong nasa probin­siya pa tayo. At saka ang gusto kong title mo e “Ate Flora”. Okey ba Ara?”

“Naks ha. Puwede na rin, Ate. Ikaw naman ang bida kasi. Kung hindi kasi sa’yo hindi ako makakarating sa Maynila. Matapang ka kasi at matiyaga at talagang nag-iisip.”

“Naisip ko kasi, kung hindi lalakasan ang loob e walang mangyayari sa atin. At  saka kaya naman ako lalong lu­makas ang loob e dahil na rin sa’yo Ara. Gusto ko magbago ang buhay natin. Gusto kong ipakita kay Mama na kaya nating tumayo sa sariling mga paa. At eto na nga, 'di ba nakaya natin, Ara.”

“Oo Ate. Kaya nga humahanga ako sa’yo.”

Nang bigla kong maisip si Mama. Hindi ko alam kung paano sasabihin kay Ate na baka puwede na naming patawarin si Mama. Kahit na ano pang mangyari, siya pa rin ang aming ina. Siguro, dapat na naming malaman kung ano na ang nangya­yari kay Mama.

Pero hindi na pala ako dapat mamroblema ng tungkol doon sapagkat si Ate na rin ang nagbuklat ng tungkol kay Mama.

“Gusto mo ba, Ara na puntahan natin sa rehab center si Mama?”

Napatitig ako kay Ate. Napatango ako.

(Itutuloy)

Show comments