NAGIMBAL kami ni Ate Flora sa ikinuwento ng dati naming kapitbahay sa Pasong Tirad. Natagpuang patay sa tirahan si Raquel. Pinagsasaksak. Ang sabi raw ng mga pulis, ang ka-live-in nito ang suspect. Narinig daw ng mga kapitbahay na nagtatalo sa pera. At natagpuan na nga ang bangkay na duguan pagkaraan ng pagtatalo.
Nang ikuwento sa akin ni Ate Flora ang pangyayaring iyon ay wala akong nadamang awa sa nangyari sa babaing nang-api sa amin.
“Nagbayad din siya,” sabi ko.
“Karma iyon, Ara. Natatandaan mo ang sinabi ni Mang Leon na ang anumang masamang ginawa sa kapwa ay babalik at mas masakit pa.”
“Natatandaan ko Ate. Karma nga siguro dahil sobra niya tayong inapi. Hindi lang ang Raquel na iyon kundi pati na ang mga anak niya. Imagine, tinangka akong iligaw ng anak niyang si Michelle at ikaw naman ay rereypin ng anak na lalaki. Di ba napakasama nila?”
“Ngayon ay lubusan na akong makakahinga nang maluwag dahil wala na ang mga nang-api sa atin.”
“Ako man Ate. Akalain mo, ang lahat pala ng mga naranasan nating pait ay mapapalitan ng tamis.”
“Tama ka, Ara. At sana nga tuluy-tuloy na ang pagganda ng ating buhay.”
“Kutob ko Ate, tuluy-tuloy na ito. Nararamdaman ko na ma gaganda ang mga susunod na kabanata ng ating buhay.”
Tama ang mga sinabi ko. Sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, pagtitiis at matinding panalangin, natupad nga ang aming mga hiling.
Lumipas ang apat na taon at sabay kaming nagtapos ni Ate Flora. Ako ay nagtapos ng valedictorian sa high school at si Ate naman ay ng Accounting. Masayang-masaya kami. Si Mang Leon ang nagsabit ng medalya ko.
Nakapasa ako sa UP nang sumunod na taon. Si Ate naman ay nagreview para sa board exam. At isa siya sa mga nanguna bilang CPA.
Ang saya-saya namin. Nagsisimula na talaga ang paggulong nang magandang kapalaran.
(Itutuloy)