MALAGO ang buhok at halos lumabas ang buto sa pisngi ni Tito Noel. Epekto marahil ng pag-iisip sa malaking problema na ginawa ng kanyang asawang si Raquel. Sino ba naman ang hindi mamamayat kapag nalamang ang pinaghirapan niyang pera inubos lamang ng kalaguyo ng kanyang asawa.
At ang matindi pang sinabi ni Tito Noel, pati ang dalawa niyang anak ay masama rin ang kinapuntahan. Parang masisira ang ulo ni Tito Noel nang ikuwento na ang kanyang anak na si Marlon ay nasa rehabilitation center dahil masyado nang nakulta ang utak sa shabu. Hindi raw niya alam kung may pag-asa pang gumaling ang panganay na anak dahil apektado na ang utak.
“At eto namang si Michelle, na buong akala ko ay pag-aaral ang inaatupag, iyon pala’y nagpabuntis at pinalaglag naman ng hayop kong asawa…”
“Hindi n’yo ba narinig ang kinuwento ko, Tito Noel na nagpa-abort ang anak mong babae?”
Nagtawa si Tito Noel. Gusto na yatang masiraan ng bait.
“Ewan ko, hindi ko na matandaan. Basta gan- yan ang nangyari sa anak kong si Michelle. Pero alam ba ninyo na nagpabuntis uli siya?”
Shock kaming dalawa ni Ate Flora. Hindi na nagkaroon ng leksiyon.
“At walang maiturong ama ng kanyang dina- dala,” sabi pa ni Tito Noel na parang bibigay na sa matinding problema.
“Nasaan na po si Michelle, Tito?”
“Hindi ko alam kung saan nagpunta. Hula ko hinahanap ang malanding ina, ha-ha-ha!”
Nakadama ako ng awa kay Tito Noel. Kahit na pinagsalitaan niya kami ng masakit at inapi-api, ngayon ay pagkaawa ang nadarama ko. Parang gusto na niyang bumigay sa dinaranas na problema.”
“E saan ka po umuuwi ngayon, Tito Noel.”
“Diyan lang sa tabi-tabi. Wala, e nabenta na palang bahay ko. Napeke kasi ang pirma ko. Pero puwede pa naman akong bumalik sa barko. Pipilitin ko. Siguro pagnakasakay uli ako, baka malimutan ko na ang mga problema…”
“Sana po ay malimutan mo na, Tito Noel,” sabi ni Ate.
“Patawarin n’yo akong dalawa ha. Kapag nakasakay ako sa barko, padadalhan ko kayo ng pera. Mas maganda pa siguro kung sa inyo ko ipatatago ang pinaghirapan ko…”
Niyakap namin si Tito Noel. Awang-awa kami sa kanya. Napatawad na namin siya ni Ate.
Makalipas ang ilang buwan ay nalaman namin na nakasakay na uli sa barko si Tito Noel. Sumulat siya sa amin.
Pero makalipas pa ang isang buwan, nabalitaan naming nasunog at lumubog ang barkong sinasakyan niya at lahat ng mga Pinoy na opisyal at crew ay namatay. Ang masaklap hindi na makita ang mga bangkay nang nasunog na barko.
Hanggang sa mawalan na kami ng balita kay Tito Noel. Siguro, sadyang hanggang doon na lamang ang kuwento ng kanyang buhay. Wala rin naman kaming balita sa walanghiya niyang asa-wa at dalawang anak.
“Wala na tayong kinalaman sa kanila, Ara. Magsisimula na tayo ng sarili natin.”
Pinag-aral ako ni Ate ng sumunod na taon.
“Kailangang makatapos ka ng high school, Ara.”
“Dapat e magtapos ka rin ng kolehiyo, Ate?”
“Gagawin ko ‘yan, Ara.”
(Itutuloy)