Ate Flora (Ika-75 na labas)

TINANONG ni Mang Leon si Ate Flora kung sino ang mga taong kaharap namin. Siguro’y nagu­guluhan siya dahil mala­lakas na ang boses at tila pinagbabantaan na kami.

“Sila po ang mga taong umapi sa amin, Mang Leon. Pinaaalis ko na nga po at masyado nang nakabubulahaw pero matigas po sila.”

“Aba e baka gustong tumawag na ako ng barangay tanod para sila umalis.”

Saka lamang umak­tong aalis sina Tito Noel at asawang si Raquel. Pero bago umalis ay nakapagbanta pa si Tito Noel sa aming magkapatid na hindi raw kami pata­tahimikin dahil sa ginawa sa pamilya niya.

At ako ng mga sandaling iyon ay gigil na gigil na sa mag-asawa ay nakapag­bitiw na rin ng salita. Ikina­gulat iyon ni Ate.

“Hayaan mo Tito Noel at ipadadala ko sa iyo bukas na bukas ang isa pang kopya ng sulat ng pagta­taksil ng asawa mo. Para naman hindi ka na mainip at nang malaman mo nang lahat na hindi kami gumagawa ng kuwento lamang.”

Napamaang si Tito Noel samantalang ang asawa ay parang ibinabad sa suka. Hindi malaman ang ga­gawin.

“Hintayin mo na lang Tito Noel ang sulat,” sabi ko.

Walang nagawa si Tito Noel at ang asawang si Raquel kundi ang umalis.

Nang makaalis na ang dalawang tinik sa aming buhay ni Ate Flora ay saka namin ikinuwento kay Mang Leon ang lahat. At matapos niyang marinig ang ku­wento ay hindi siya maka­paniwala na nalam­pasan namin ang hirap sa piling ni Raquel at dala­wang anak nito.

“Sobra palang sakri­pisyo ang dinanas n’yo sa pi­ling ng asawa ng tito n’yo.”

“Opo, Mang Leon.”

“Mabuti at meron pang natirang ebidensiya sa’yo Ara na magpapatunay na hindi kayo nagsisinu­nga­ling. Ipadala mo na agad ang ebidensiya para maputol na ang lahat ng kasa­maan.”

“Opo Mang Leon. Ipadadala ko na po bukas.”

“Huwag kayong mahi­hiyang humingi ng tulong sa akin. Kapag may ginawa sa inyong masa­ma ang tito at asawa niya, ako ang kalaban nila…”

Masayang-masaya kami ni Ate Flora sa sinabi ni Mang Leon. (Itutuloy)

Show comments