Ate Flora (73)
NOONG una ay hindi ko binibigyan ng pansin ang nakikitang dalawang tao na madalas dumaan sa tapat ng inuupahan na-ming bahay ni Ate Flora. Marami kasing tao ang araw-araw na nagdaraan doon.
Pero nang mapansin ko na sa direksiyon ng aming bahay nakatingin kapag nagdadaan ang dalawang lalaki ay naghinala na ako. Baka mga miyembro ng Akyat ba-hay ang mga lalaki. Kasi nga’y maiilap ang mga mata at para bang tinitiyak kung tama ang kanilang tinatarget nakawan. Ganoon ang aking kutob.
Sinabi ko kay Ate ang aking naobserbahan.
“Palagay ko sinusurveilance tayo ni Raquel, Ara. May binabalak siya para sa atin. Maghihiganti! At siguro ay matinding ganti.”
“Ano sa palagay mo Ate natanggap na ni Tito Noel ang pinadala nating sulat ng kataksilan?”
“Siguro.”
“Ano kaya ang mangyayari, Ate?”
“Bahala na. Basta maghanda tayo. Kung hindi tayo kakampihan ni Tito Noel, bahala siya…”
Makalipas ang isang linggo ay nagulat kami ni Ate Flora nang may dumating sa inuupahan naming bahay.
Nang pagbuksan namin ay bumulaga sa amin si Tito Noel at nasa likuran niya si Tita Raquel. Ngising aso si Tita Raquel.
“Narito lang pala kayo mga walang utang na loob!” sabi agad ni Tito Noel. Malakas.
“Tito Noel bakit po?” tanong ni Ate.
“Huwag ka nang magmaang-maaangan, Flora at bistado ka na pati ang kapatid mong maldita.
“Tungkol po ba sa panlalalaki ng asawa mo, Tito Noel?”
Nanlaki ang mga mata ni Tito Noel sa narinig.
“Huwag kang maniniwala, Noel,” sabi ni Raquel. “Gumagawa lamang ng kuwento ang mga ‘yan para mapagtakpan ang mga ninakaw nila sa atin. Mga magnanakaw ang pamang-kin mong ‘yan!”
Naningkit ang mga mata ni Tito Noel. Talagang galit sa amin. Sabi ko na nga ba at naunahan itong pagsumbungan. Nagtahi-tahi ng kuwentong masama. At palagay ko hindi pa nito alam ang tungkol sa sulat ng kataksilan.
“Akala ko, matino kayong dalawa, Flora at Ara. Yun pala katulad din kayo ng inyong ina!” sabi ni Tito Noel.
“Wala po kaming kasalanan, Tito. Ang asawa mo po at anak ang malaki ang kasalanan sa iyo. May lalaki po ang asawa mo at ang anak mong si Michelle ay nagpaabort ka-makailan lang.”
Hindi nakasagot si Tito Noel. (Itutuloy)
- Latest
- Trending