PERO ang mabangis na si Michelle ay may angking tapang sa kabila na bistado na ang ginawang pagpapa-abort.
Biglang nilapitan si Ate Flora at saka sinampal. Natulig si Ate pero mabilis din itong nakaganti. Sinampal din si Michelle at dalawang beses pa. Tulig ito sa lakas.
Akma pang gaganti si Michelle pero inawat na ni Tita Raquel. Ako naman ay hindi makakilos sapagkat nabigla rin sa pangyayari. Bilib ako kay Ate na naiganti ang pagsampal sa kanya.
“Mommy palayasin mo na ang mga putang ‘yan!” malakas na sabi ni Michelle.
“Ikaw ang puta, Michelle. Kriminal ka pa dahil pinatay mo ang sanggol sa tiyan mo,” pasigaw na sabi ni Ate. At napansin kong may mga kapitbahay nang nag-uusyuso sa may gate. Yon yung mga kapitbahay na ayaw pakainin ni Tita Raquel noong magkaroon ng party.
At nagdagdag naman iyon sa takot ni Tita Raquel sapagkat mabubulgar na ang kanyang panlalaki.
At hindi na nga mapigilan si Ate sa pagsisiwalat ng baho ni Tita Raquel.
“Alam mo ba Michelle na nanlalalaki ang mommy mo? Kung hindi mo pa alam, sasabihin ko ang pangalan ng lalaki. Ang pangalan niya ay Johnny at sa master’s bedroom pa sila nagsi-sex. Nakita ni Ara ang lahat noong may party dito. Hinuhuthutan ng lalaki ang mommy mo.”
“Huwag kang maniwala sa sinasabi ni Flora, Michelle!” maagap na sabi ni Tita Raquel na putlang-putla pa rin. “Gumagawa lamang ‘yan ng kuwento.”
“Gusto mong makita ang ebidensiya, Michelle?” tanong ni Ate.
“Huwag kang maniniwala, Michelle,” sabi ni Tita Raquel.
Tinawag naman ako ni Ate at inutusang ilabas ang xerox ng sulat ng lalaki ni Tita Raquel. Agad kong kinuha sa back pack ang sulat.
“Eto ang ebidensiya, Michelle. Matagal nang iniiputan ng mommy mo ang iyong daddy…”
Tinangkang agawin ni Tita Raquel ang xerox letter pero maliksi si Ate na naipasa iyon sa akin at nailagay ko agad sa back pack.
Dahil sa pagkabigo na maagaw ang sulat ay sinampal ni Tita Raquel si Ate pero hindi tumama. Gumanti si Ate at ubos lakas na sinampal si Tita Raquel. Tulig sa lakas.
“Bukas na bukas ay ipadadala ko ang letter na iyon kay Tito Noel. Kailangang mabasa niya ang sulat ng kataksilan…”
Iyon lang at tumalikod na kami ni Ate at tuluyang umalis sa bahay na iyon.
(Itutuloy)