NANG nasa gate na kami ni Ate Flora ay hahabul-habol si Tita Raquel. Tila ba apektado siya ng mga sinabi ni Ate kanina na bistado na ang panlalalaki niya.
“Flora, Ara, sandali….”
Pero tuluy-tuloy kami sa paglabas. Humabol siya hanggang sa may gate.
“Sandali lang sabi!” Hinaltak si Ate Flora sa braso.
“Ano ba?” sabi ni Ate at winaksi ang nakahawak na kamay ni Tita Raquel.
“Mag-usap tayo!”
“Hindi na. Wala na tayong dapat pag-usapan. Nasa amin na ang mga ebidensiya ng panlalalaki mo at alam din namin na nanggaling kayo sa abortion clinic ni Michelle…”
Lalong namutla si Tita Raquel. Parang ibinabad sa suka ang mukha. Walang masabi sapagkat huling-huli siya.
“Teka, baka maaari naman nating pag-usapan ito, Flora…”
Nagtawa lamang si Ate. Ako naman ay nakakaamoy na ng tagumpay. Wala nang maisip na ipanglaban ang masamang tao na kagaya ni Tita Raquel.
“Mag-usap tayo sandali lang, sige na Flora…”
Pero matigas na si Ate. Desidido nang isiwalat kay Tito Noel ang lahat-lahat.
“Nakuha na namin ang sulat ng kalaguyo mo at ipadadala ko na lang kay Tito Noel. Baka bukas na bukas ay ipadala ko sa kanya ang sulat…”
“Huwag!”
“Anong huwag?”
Namutla pa si Tita Raquel. Nagkandabuhul-buhol ang dila sa pagpapaliwanag.
“Huwag mong ipadadala kay Noel. Parang awa mo na, Flora…”
Napansin kong palapit ang walanghiyang si Michelle. Parang gustong tulungan ang ina.
“Mommy ano pa bang ginagawa ng mga putang-inang ‘yan dito?”
“Ikaw ang putang-ina!” sabing malakas ni Ate Flora. “Alam na namin ang pagpapa-abort mo. Malalaman na ito ng Daddy mo.”
Natulala si Michelle. (Itutuloy)