Ate Flora (50)
NANGILABOT ako sa mga sinabi ni Tita Raquel. Menor-de-edad pa lamang ako pero alam ko nang isang mortal na kasalanan ang naiisip niyang gawin sa sariling anak. Ipaa-abort ang dinadala ni Michelle. Ganito na ba talaga kasama si Tita Raquel na pati ang walang malay na dugo sa sinapupunan ay papatayin. Nanindig ang aking balahibo.
Patuloy akong nakinig sa usapan ng mag-ina. Wala silang kamalay-malay na bistado ko na ang kanilang lihim at ang mga balak pang gawin. Nasimulan ko na rin lang ang pakikinig e di sagad-sagarin ko na. Saka ko na lang sasabihin kay Ate Flora ang lahat ng aking mga natuklasan. At palagay ko, mas kikilabutan si Ate kapag nalaman ang gagawin ni Tita Raquel sa dinadala ni Michelle.
Narinig ko ang malakas na pagsasalita ni Tita Raquel. Desidido na talaga siya sa gagawin. Wala nang makapipigil pa.
“Bukas e aalis tayo nang maagang-maaga. Kailangang walang makakita sa atin.”
“Saan tayo pupunta, Mommy?”
“Sa manghihilot.”
“Saan ‘yon?”
“Sa Sta. Cruz. Sandali lang ay wala na ang problemang ‘yan.”
Muling umiyak si Michelle. Nguyngoy nang nguyngoy.
“Tumigil ka nga sa pag-iyak mo. Kasalanan mo rin kaya ka nabuntis. Masyado kang malandi!”
Umiyak pa si Michelle.
“Kaysa ipakasal ko kayo ng putang-inang Jake na iyon, ipalaglag na lang ‘yan. Akala ng hayop na lalaking iyon ay maghahabol tayo sa kanya. Gago siya. Mas may makikita ka pang matino kaysa kanya at saka mayaman. Akala yata e siya na lang ang guwapo.”
Tumigil sa pag-iyak si Michelle. Siguro ay unti-unti nang nahihikayat ng ina sa gagawing pagpapa-abort. Nabi-brainwash na. Muli ay nanindig ang aking balahibo sa gagawing pagpapa-abort. At bakit kaya alam na alam ni Tita Raquel na nasa Sta. Cruz ang manghihilot o maglalaglag. Hindi kaya, nagpalaglag na rin siya? Posible dahil mas madalas din ang pakikipagtagpo nito sa kalaguyo.
“Kailangan pagdating ng daddy mo e wala nang mabakas diyan sa puson mo. Sabi ng daddy mo e baka bigla siyang umuwi. Marami na raw kasi siyang perang naiipon.”
Lalo akong kinilabutan nang marinig na darating si Tito Noel. Siguro ay dapat kaming magpasya ni Ate kung isusumbong na ang mag-ina sa ginagawa ng mga ito.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending