HINDI ko na kaya ang tagpong iyon kaya mabilis akong tumakbo palabas ng kuwarto. Kahit na ano pa ang sabihin ni Michelle ay hindi niya ako mapipigil. Habang lumalabas ako ay narinig ko ang tawanan nina Michelle at Jake. Para bang ako ang pinagtatawanan.
Dumeretso ako kay Ate Flora na noon ay naglalaba. Pagkakita sa akin ni Ate ay para bang nahulaan na nito na may hindi pangkaraniwang nangyayari sa akin.
“Ba’t parang takot na takot ka, Ara?” tanong ni Ate.
Sinabi ko ang mga nakita kong kahalayan sa kuwarto ni Michelle. Mga sabog sa droga ang dalawa.
“E bakit hindi ka agad lumabas alam mo na palang masama ang nangyayari?” sabi ni Ate na parang sinisisi pa ako.
“Hindi nga ako makaalis dahil baka kung ano ang gawin nila sa akin.”
“Napakawalanghiya na talaga ni Michelle. Pati ikaw na nene pa ay inilalantad na sa kalaswaan.”
“Isumbong na natin kay Tita Raquel, Ate. At bahala na kung ano ang gawin sa atin.”
“Sa palagay ko, dapat na nga nating ipaalam ito sa kanya.”
“Pagdating ni Tita Raquel mamaya, isumbong na natin.”
Dakong hapon na dumating si Tita Raquel at agad naming nilapitan ni Ate para sabihin ang nangyayari sa kuwarto ni Michelle.
“Tita Raquel me sasabihin po kami ni Ara sa iyo?” marahan ang pagkakasabi ni Ate.
“Ano yon? Lalayas na kayo rito? Sige, para mawala na ang kabuwisitan dito…”
“E hindi po yon. Tungkol po kay Michelle.”
“Ano ang tungkol kay Michelle?”
“E kanina po nakita ni Ara na nagsi-sex sina Michelle at boyfriend niya sa kuwarto. Sa harap ni Ara po ginagawa ang kahalayan…”
“Anooo? Anong pagsi-sex ang sinasabi n’yo?”
“Nasa kuwarto po ni Michelle ang boyfriend niya.”
Parang nahimasmasan yata si Tita Raquel at mabilis na nagtungo sa kuwarto ni Michelle. Mabilis naman akong nakasunod sa pag-akyat. Si Ate ay naiwan sa ibaba. Gusto kong mahuli talaga sa akto si Michelle para hindi ako mapagbintangang nagsisinungaling lamang.
Ang pinto ng kuwarto ni Michelle ay hindi nakaawang.
“Michelle! Michelle!” tawag ni Tita Raquel sabay tulak sa pinto.
Huling-huli sa akto ang dalawa na parang mga aso na nakikita kong nasa kalye at magkakabit. Tila mga sabog pa sa ginamit na droga ang dalawa. Wala yatang kapaguran.
“Diyos ko, anong ginagawa n’yo?”
Parang mga dagang nahuli ng pusa ang dalawa pero parang walang reaksiyon.
Nang makita ako ni Tita Raquel na nakabuntot sa kanya ay binulyawan ako.
“Umalis ka nga punyeta ka!” sabi sa akin. Mabilis akong umalis. Pero habang bumababa ako sa hagdan ay parang nakaganti na ako kay Michelle. Buti nga sa kanya.
(Itutuloy)