^

True Confessions

Ate Flora (38)

- Ronnie M. Halos -

SINIMULAN kong alisin ang sapin nang malaking kama. Wala naman akong nakitang mantsa sa sapin ng kama. Mukhang ma­linis. Pero dahil ang sabi ay linisin ang kuwarto, dapat ay palitan ang sapin ng kama. Kung hindi ko gagawin ay baka ma-pun­ yeta ako ni Tita Raquel.

Ang problema ay kung saan ako kukuha ng ipa­palit na pangsapin sa kama. Hindi ko naman naitanong kay Tita Raquel kung saan nakatago ang mga kumot, punda at kung anu-ano pa. Kailangang hanapin ko ang kinalalagyan ng mga iyon bago pa ako mapa­galitan ni Tita Raquel.

Isang pandak na anti­gong kabinet ang nakita ko sa gawing kaliwa ng kama. Binuksan ko. Naroon ang hinahanap ko. Isang pu­tim­puting kumot ang kinuha ko para gawing sapin sa kama. Iyon lamang naman ang kumot na naroon. Ku­muha rin ako ng dalawang malalaking punda.

Iniladlad ko ang kumot. Wow maganda na ang kama. Putimputi. Pinalitan ko ang mga punda ng unan. Puti rin ang punda. Mamaya ay magkakaroon na siguro ng mantsa ang puting kumot. Sasampa muli ang lalaki ni Tita Ra­quel at malulukot ang kumot. Muli kong naaalala si Tito Noel. Kawawa na­man siya. Habang nagpa­pa­kamatay sa pagtatrabaho sa barko ay mayroon na­mang nagpapasasa sa ka­tawan ng kanyang asawa.

Isinunod kong linisin ay ang mga alikabok na nasa lampshade sa gilid ng kama. Nagtataka ako kung bakit may alikabok ay na­kasara naman ang mga bintana. Pati ang malaking TV ay pinunasan ko dahil may alikabok din.

Sa isang iglap ay maa­yos na ang kuwarto ni Tita Raquel. Tiniklop ko ang mga inalis na sapin at punda at saka binitbit palabas ng kuwarto. Bumaba ako at nag­tungo sa laundry. Marami  na namang lalabhan si Ate Flora.

Nang kumagat ang dilim ay nagtaka ako nang mag­dagsaan pa ang mga bisita. Wala na yatang katapusan ang party na ito. Ang iba ay namukhaan kong nangga­ling na kaninang tanghali pero nagpalit lang yata ng damit. Talagang maraming perang itatapon si Tito Noel sa birthday ni Michelle. Ta­lagang uubusin ang sinasa­hod sa barko.

Lalong dumami ang mga bisitang kaibigan ni Mi-chelle nang magsimulang tumugtog ang banda. Nag­sigawan pa ang mga bisita. Napuno ng ingay ang paligid.

Si Ate Flora ay nasa may gate at nag-aantabay sa mga dumarating. Nagugu­tom na siguro si Ate. Palihim akong kumuha ng pitso ng manok sa lalagyan ng mga ulam at saka dinala kay Ate.

“Ate kainin mo ito. Ka­nina ka pa diyan baka ma­lipasan ka ng gutom.”

“Nagugutom na nga ako. Hindi naman ako makaalis dito dahil baka makita ako ni Tita Raquel.”

Mabilis na kinain ni Ate ang pitso.

“Ikuha mo ako ng soft­drink sa lata. Yung malamig ha. Tuyung-tuyo na ang la­la­munan ko.”

Mabilis akong sumunod kay Ate. Sa ref sa kitchen ay maraming naka-de-latang softdrink. Kumuha ako at ma­bilis na dinala kay Ate. Uhaw na uhaw ang kapatid ko.

“Sige na Ara, doon ka na sa loob at baka makita ka pa ni Tita Raquel.”

“Ate mamaya-maya lang ay may gagawin na naman silang milagro sa kuwarto. Sana kung may cell phone tayo magandang kunan para may ebidensiya.”

“Hayaan mo na lang sila, Ara, Kung iyon ang gusto ni Tita Raquel, ba­hala siya.”

Napatango na lang ako.

Nang mag-alas siyete ay nasundan ko ng tingin si Tita Raquel na lumapit sa mesa ng kalaguyong lalaki at ibinaba ang kopita na may alak. Iyon ang hudyat para sila umakyat sa kuwarto sa itaas.

Nauna si Tita Raquel sa pag-akyat. Makalipas ang isang minuto ay ang lalaki naman ang umakyat.

Hinayaan ko na lang sila gaya ng sabi ni Ate. Ano nga ba ang maga­gawa namin? Kung iyon ang gusto ni Tita Raquel, bahala siya.

Makalipas ang may kalahating oras marahil ay nilapitan ako ni Michelle.

“Hoy Ara, hanapin mo si Mommy at may sasa­bihin ako sa kanya. May ipapadeliber pa kaming drinks. Hanapin mo sa kuwarto, bilis!”

Napalunok ako.

(Itutuloy) 

AKO

ATE

SHY

TITA

TITA RAQUEL

TITO NOEL

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with