Ate Flora (28)
PASADO alas-sais na ng gabi dumating si Tita Raquel. Ang mga bisita naman nina Marlon at Michelle ay nagsialisan na rin. Naiwan sa salas ang maraming bote ng beer at ang upos ng sigarilyo ay nagkalat sa kalalampaso naming marmol.
“Bakit marumi pa rin ang sahig sa salas, Flora?” tanong ni Tita Raquel. “Di ba sabi ko, wala aking makikitang mantsa roon?”
“Malinis po kanina ‘yon Tita kaso dumating ang mga kabarkada ni Marlon at nag-inuman sa salas.”
Tumaas ang kilay ni Tita Raquel pero saglit lang.
“Kung dinumihan nila dapat linisin n’yo agad? Punyeta talaga!”
“E naglalaba pa po kasi ako Tita kaya hindi namin agad malinis ang sahig.”
“Nasaan si Ara?”
“Naglilinis po siya ng toilet kanina at ngayon naman ay mga kaldero ang nililinis.”
“Puro kayo dahilan! E kung hindi ko kayo pakainin ngayong hapunan?”
Hindi na sumagot si Ate. Baka kapag sumagot siya e hindi nga kami pakainin. Sa halip ay kinuha ang mga basahan na ginamit namin kanina at nilinis na muli ang mga iniwang dumi ng barkada ni Marlon.
Nang makita ko si Ate, iniwan ko ang ginagawa sa kusina at tinulungan siya. Sabi sa akin ni Ate, huwag na kaming sasagot kapag pinagagalitan ni Tita Raquel, Tanggap na lang ng tanggap. Matatapos din naman ang pagpapahirap.
Isang araw na umalis si Tita Raquel ay maagang dumating si Michelle mula sa school, kasama niya ang isang lalaking kasinggu-lang niya. Hula namin ni Ate Flora, boyfriend ni Michelle ang lalaki.
Boyfriend nga ni Michelle sapagkat nahuli ko silang naghahalikan sa sa las. Ang matindi pa ay nang ipinapasok ng lalaki ang kamay sa loob ng palda ni Michelle. Kinabahan ako. Hindi nila nalalaman na nasa kabila lamang ako ng butas na partition ng salas at pinupunasan ang mga pigurin.
“Ano ba Jake, baka may makakita sa atin,” sabi ni Michelle.
“Sige na Michelle, hipo lang naman.”
Pumayag na si Michelle. Ipinasok ng boyfriend ang kamay sa loob ng palda ni Michelle. Hindi ko matingnan ang ginagawa pero natukso pa rin akong tingnan. (Itutuloy)
- Latest
- Trending