“HAYOP ka! Mamboboso! Mamatay ka na sana!”
Boses iyon ng Ate ko. Malakas. Halos marinig na ng kapitbahay. At alam ko kung sino ang minumura niya – si Tiyo Mando, ka-live-in ni Mama.
Saka nakita ko si Ate na lumabas sa banyo, nakatapi ng tuwalya at basang-basa ang buhok na tumutulo pa sa sahig.
Tumayo ako mula sa pagkakahiga at lumapit kay Ate na noon ay nanginginig pa sa galit.
“Bakit Ate?” tanong ko.
“Yang walanghi-yang asawa ni Mama, binobosohan na naman ako.”
“Paano mo nakita?”
“Sumampa sa bakod at sinilip ako sa butas ng yero. Hayop talaga! Bukod sa tamad, bosero pa.”
“Isumbong mo na kay Mama, Ate.”
Napasimangot si Ate. Pinahid ng palad ang luhang tumulo sa pisngi.
“Parang hindi mo alam ang ugali ni Ma-ma. Tiyak ang walanghiyang lalaking ‘yun ang kakampihan….
Hindi ako nakapagsalita.
“Mula nang tumira rito ang hayop na ‘yun, nagulo na ang buhay natin. Di ba tahimik naman tayo dito di ba?”
Napatango ako. Tama si Ate. Mula nang tumira rito si Tiyo Mando marami nang pagbabagong nangyari. At si Ate ang laging pinupuntirya niya. Paano kung dumating ang araw na hindi lamang pamboboso ang gawin kay Ate. Paano kung pasukin sa banyo habang naliligo?
“Kung buhay sana si Papa ano, Ate…”
Napatango lamang si Ate. Nakita ko problemado siya. At mas lalong nagiging mabigat ang problema sapagkat ang aming ina ay hindi namin kakampi.
(Itutuloy)