(Kasaysayan ni E.A.E.)
ISINUKO ko ang aking sarili sa mga pulis. Hindi ko kaya ang sumbat ng konsensiya. Ipinagtapat ko sa mga pulis ang dahilan kaya nagawa ang ganoon karumal-dumal na krimen. Paghihiganti ang dahilan. Masyado akong inapi. Inubos ang aking pera. Pinangakuan ng lalaking akala ko ay magtototoo sa akin. Pinlano ko ang lahat. Tatanggapin ko ang parusang ipagkakaloob sa akin ng batas. Handa ako kahit na kamatayan ang igawad sa akin. Pinagsisisihan ko ang nagawa.
Hindi ko na alam kung naging headline ang pagtatapat kong iyon sa mga mga diyaryo. Kung naging headline, hindi ko alam kung nabasa ni Kuya Mike. Malamang ay hindi na dahil masyado siyang nakatutok sa kalagayan ni Ate Marie na unti-unting iginugupo ng kanser.
Nalutas ang kasong iyon. Nahatulan ako ng habambuhay na pag-kabilanggo.
Sa loob ng Correctional Institution for Women ay iba’t ibang uri ng tao ang aking nakaharap. May mga katulad ko ring murder ang kaso. May pinatay ang asawa, ang kabit at kung anu-ano pa.
Sa unang araw ko sa bilangguan ay tila gusto kong masiraan ng ulo. Hindi yata ako tatagal. May pagkakataong sinisisi ko ang sarili. Bakit ko ba inamin pa ang krimen? Puwede namang hindi. Bakit ko na naisip ang ganoong ka-istupidang desisyon? Pero sa dakong huli, ang konsensiya ko pa rin ang nagsabi. Dapat mo la mang pagdusahan ang ginawa.
Sa bilangguan ko nakilala at naging kaibigan si Joy. Tulad ko, murder din ang kaso. Napatay niya ang kapwa babae na inakala niyang nagsumbong sa pagiging pusher niya.
“Matagal ka na rito Joy?” tanong ko.
“Isang taon na, Eloi. Natatanggap ko na ang lahat. Nagsisisi na ako sa lahat ng mga ginawa ko.”
“Tulungan mo ako Joy. Pakiramdam ko bibigay ako rito.”
“Huwag kang mag-alala, Eloi. Tutulungan kita.”
(Itutuloy)