Anay (ika-80 na labas)
(Kasaysayan ni E.A.E.)
SAPAT na ang mga narinig ko para umalis. Dahan-dahan ang ginawa kong pag-alis at baka makatunog ang dalawang ganid.
Nang makarating ako sa aking kuwarto ay saka ako humagulgol ng iyak. Para akong ulila sa mundo dahil sa pang-aaping ginawa nina Gil at Matronang Miling. Buo pa naman ang pagtitiwala ko sa hayop na si Gil na totoo ang pagmamahal sa akin iyon pala ay ang aking pera ang puntirya. Ubos na ang pera ko at paano na ang buhay ko ngayon. Tiyak na hindi na ako pupuntahan ni Kuya Mike dahil binigyan na niya ako ng pera. Wala na siyang pananagutan sa akin.
Umiyak pa ako nang umiyak. Pakiramdam ko katapusan na ng mundo. Wala akong kamalay-malay na unti-unti pala akong dinudurog ng dalawang ganid. Naisip ko, karma marahil ang nangyari sa akin. Kung ano ang ginawa ko sa kapwa, iyon din ang bumalik sa akin. Sinira ko ang pagsasama nina Kuya Mike at Ate Marie at ngayon ay ako naman ang nagdaranas ng pait.
Nakatulugan ko ang mapait na karanasang iyon. Hindi ko namalayan na mataas na ang araw. Napasarap ang tulog ko. Maya-maya pa ay nakarinig ako ng mga katok sa pinto.
Bumangon ako para tingnan kung sino ang kumakatok. Si Gil — ang ganid na si Gil. Pero hindi ako nagpahalata na alam ko na ang plano nila ni Matrona. Magkukunwari ako na wala pang nalalaman.
“Aba bagong gising ang aking reyna,” sabi ni Gil at hinalikan ako sa labi. “Ang tamis ng labi mo kahit bagong gising.”
Gusto kong kagatin ang labi niya pero nagpigil ako. Nakisa-kay na lamang ako at patuloy siyang paniniwalain.
“Ano, Eloi, natawagan mo ba si Kuya Mike mo? Anong sabi sa perang hinihingi mo?”
“Magbibigay uli siya Gil. Pinilit ko talaga!”
“Good girl! Ayos! Baka sa sunod na linggo makaalis na tayo rito at sa Mogpog na lamang tayo maninirahan.”
Gusto ko nang sampalin si Gil pero nagpigil pa rin ako. Hindi pa ngayon oras ng paniningil…”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending