(Kasaysayan ni E.A.E.)
“HINDI ko na kayang humingi pa ng pera kay Kuya Mike…” sabi ko kay Gil. Nagtungo sa kuwarto ko si Gil.
“Bakit hindi?”
“Baka patayin na ako nun…”
“Ikaw gaga ka talaga. Nasa iyo ang alas e matatakot ka. Kapag hindi nagbigay e di isumbong mo na sa asawa niya….”
“Hindi ko kaya, Gil… binigyan na niya ako nang malaki…”
“Mas masarap kung malaki ang pera. Yung hundred thou sandali lang maubos ‘yun. Ngayon kung madadagdagan pa, mas maganda. Magtatayo tayo ng negosyo sa Mogpog… gusto ko kantina sa tabing dagat….”
Nag-imagine na ako. Puwede nga. Papatok nga dahil paborito ng mga tao na mag-beach…
“Ano Eloi di ba tama ang plano ko?”
“Sige susubukan kong tawagan siya…”
“Ganyan, Eloi. Kapag nagmatigas na e di saka mo ibulgar. Tuturuan kita ng mga sasabihin kapag nakaharap mo ang asawa niya…”
Lumabas na si Gil. Ako naman ay nag-iisip kung paano ang gagawin kong pagsasabi kay Kuya Mike.
Kinabukasan ng umaga ay ganoon pa rin ang iniisip ko. Hindi ko malaman kung paano ang gagawing pagsasabi. Natatakot ako.
Hapon na ay hindi ko pa rin maisip ang sasabihin. Balak kong tawagan si Kuya Mike ng alas-singko ng hapon.
Ipinasya kong puntahan si Gil sa kuwarto niya. Kinatok ko. Walang sumasagot. Dati ay mabilis siyang nagbubukas ng pinto.
Naisip ko na baka nasa kuwarto ni Matrona. Doon ko pinuntahan.
Naroon nga at masa-yang nag-uusap ang dalawa. At ako ang kanilang pinag-uusapan. At sana ay hindi ko na narinig ang kanilang pinag-uusapan.
“Paniwalang-paniwala si Eloi na aalis kami rito, ha-ha-ha!”
“Akala siguro e siya ang pakakasalan mo ano?”
Nagtawanan pa nang malakas. Parang puputok ang taynga ko.
(Itutuloy)