(Kasaysayan ni E.A.E.)
EKSAKTONG alas singko ng hapon ay tinawagan ko si Kuya Mike sa pamamagitan ng cell phone. Pero sabi ng nakasagot sa aking lalaki ay nasa meeting daw.
“Tumawag ka after an hour,” sabi ng lalaki. “Me meeting eh. Sino ba ‘to?”
Hindi ako sumagot. Pinutol ko na ang pakikipag-usap. May nadarama akong inis. Kapag mamaya at hindi ko pa siya nakausap, sa bahay nila ako tatawag at bahala na kung si Ate Marie ang makasagot. Tingnan ko lang kung hindi siya mamutla sa takot.
Pakiramdam ko napakatagal ng isang oras na paghihintay para tawagang muli si Kuya Mike sa opisina niya.
Tinawagan ko muli sa aking cell phone si Kuya Mike. Matagal bago may nakasagot. Isang babae ang sumagot sa akin.
“Kaaalis lang niya,” sabi ng babae na may kalandian ang boses.
Gusto kong magputang-ina pero napigil ko ang sarili.
“Sino ba ito?” tanong ng babae.
“Misis niya!” sabi kong malakas at saka pinutol ang pakikipag-usap.
Gusto kong magsisigaw sa pagkainis. Pagkaraan ng isang oras na paghihintay at wala palang mangyayari.
Nahiga ako at nag-iisip kung paano tatawagan sa kanilang bahay ang hayop na si Kuya Mike.
Makaraan pa ang isang oras ay ipinasya kong tawagan si Kuya Mike sa kanilang bahay. Eksaktong dina-dial ko ang number ay may kumatok sa pinto ng kuwarto. Lumapit ako at binuksan ang pinto. Si Gil!
“Ano Eloi?”
“Tinatawagan ko sa bahay si Kuya Mike. Naaasar na ako. Isusumbong ko na siya sa asawa niya at bahala na. Sisirain ko na siya!”
Inagaw ni Gil ang cell phone.
“Mag-isip ka muna gaga ka!”
(Itutuloy)