Anay (ika-71 na labas)

(Kasaysayan ni E.A.E.)

“PALAGAY ko kaunti pa lamang ang nadudugas mo kay Mike ano, Eloi. Hindi ko na nakikitang dumadalaw sa’yo…”

“May usapan kami na hindi muna siya dada­law sa akin dahil nahahalata na ng asa­wa niya. Pero yung ATM ko, lagi niyang nalalag­yan ng pera…”

“Asan ang ATM?”

“Siyempre nasa akin.”

“Marami na?”

“Meron nang konti.”

Nagtawa si Gil — tawang nakakaloko.

“Huthutan mo nang todo. Tingnan mo ang gi­na­gawa ko kay Matrona at marami na akong nahu­huthot…”

“Iba ka Gil. Puwede mong paikutin si Aling Miling pero ako, hindi ko makakaya ang ganun.”

“Ang hina mo talaga. Alam mo kung paano pepe­rahan si Mike?”

“Paano?”

“Takutin mo na magsu­sumbong ka sa asawa niya.”

“Ganoon nga ang iniisip ko noon pero nagmamaka­awa sa akin. Huwag ko raw idamay ang asawa niya. Baka masira raw ang pag­sa­sama nila.”

“Arte lang yun para hindi mo gawin. Takutin mo uli.”

Hindi ako makapag­sa­lita.

“Kapag marami ka nang nahuthot kay Mike, saka tayo lalayas dito at uuwi sa Mogpog. Mas maganda roon.”

Nangarap na ako. Mag­babagumbuhay na kami ni Gil. Ayaw ko na ng gani­tong buhay.

“Hindi ko talaga kaya ang ginagawa kay Matrona. Pilit lang ang lahat,” sabi ni Gil. Natatandaan ko, sinabi na niya ito noon.

“Akala mo lang e gusto ko ang trabahong ito. Hindi Eloi. Kaya nga payo ko sa’yo hangga’t may maku­kuha sa asawa mo, kunin mo. Para sa atin yun…”

Tumango ako.

“Pag-usapan natin ang mga gagawin mo para ma­pilit kang bigyan nang ma­laking pera. Alam kong malaki ang sahod ng Mike na iyon…”

“Bakit mo alam?”

“Dahil kay Matrona.”

Naalala ko na kilala nga pala ni Mike si Aling Miling.

“Ako ang gagawa ng plano, Eloi.”

Pumayag ako. Sunud-sunuran na ako kay Gil. Kung ano ang ipagagawa niya, gagawin ko.

(Itutuloy)

Show comments