Anay (ika-67 labas)

(Kasaysayan ni E.A.E)

SI Gil na ang magi­ging huling lalaki sa aking buhay. Iyon  ang ipinangako ko sa sarili.

Inimadyin ko na kapag natapos ang mga gagawin namin, magpapakalayu-layo na kami. Siguro ay iuuwi ako ni Gil sa kanila sa Mogpog. Hindi ko alam kung anong klaseng lugar ang Mogpog pero kahit na ano pang klaseng lugar iyon basta kasama ko si Gil, ay okey lang. Kaya kong pagtiisan ang lahat. At kapag nasa Mogpog na kami, magtatayo na lamang kami ng negosyo roon.

Lumipad pa nang lumipad ang imahinas­yon ko. Magkakaroon kami ng anak. Gusto ko, dalawang lalaki at isang babae. At palala­kihin namin nang maa­yos ang aming mga anak. Siyempre dahil may pera naman ka­ming nakaimpok ay ma­kapagpapagawa kami ng bahay at si­yempre ay maayos ang pamumuhay. Ganoon lang kasimple.

Kailan kaya mata­tapos ang aming buhay dito sa Maynila? Kailan kaya namin maisa­sa­katuparan ang lahat.

Nakatulog ako na may ngiti sa labi.

Kinabukasan na pa­palabas ako ng banyo ay nakita ko si Aling Miling. Iiwas sana ako at magkukunwaring hindi siya nakita pero siya na mismo ang bu­mati sa akin.

“Eloi. Halika nga rito sa kuwarto ko…” sabi at kinawayan ako. Nakapantulog pa ang matrona at bakat ang panty sa suot.

Sumunod ako sa kanya sa pagpasok sa kuwarto. Pagpasok ay agad sinara ang pinto.

“Nakita mo na na­man kami, Eloi. Ano ba ang ginagawa mo sa kuwarto ni Gil?”

“Me hihiramin po sana ako, Aling Miling. ‘Yung gunting na pang­gupit ng kilay.”

“Mabuti na lamang at hindi ka napansin ni Gil.”

“Sorry po Aling Mi­ ling.”

“Okey lang Eloi. Basta tayo na lang  ang nakakaaalam nito ha? Huwag mong ma­ba­banggit kahit ka­nino.”

“Opo.”

“Palagay ko magsa­sama na kaming tu­luyan ni Gil, Eloi.”

Gimbal ako.

“Mahal naman niya ako at ako ay ganun­din. Iyon nga lang hindi kami pu­wedeng pa­kasal dahil kasal ako sa una kong asawa…”

May kumukurot  na selos sa dibdib ko.

(Itutuloy)

Show comments